PCG

Mas pinatibay na PCG suportado

297 Views

SUPORTADO ni Senator Sherwin Gatchalian ang mas pinatibay na operasyon ng Philippine Coast Guard (PCG) at titingnan niya ang posibilidad na taasan ang subsistence allowance ng mga tauhan nito sa gitna ng patuloy na tensyon sa West Philippine Sea.

Binanggit niya na ₱150 kada araw lamang ang tinatanggap ng mga tauhan ng PCG kumpara sa ₱350 ng ibang uniformed personnel, at iginiit ang kahalagahan ng mataas na morale para sa mga nagbabantay sa karagatan na nakararanas ng pangha-harass habang nagpapatrulya.

“Kahit na challenging ang situation, ang importante ay ma-sustain natin ang high morale ng ating mga kasamahan sa Coast Guard,” pahayag ni Gatchalian sa isang kamakailang pagdinig sa Senado hinggil sa panukalang 2026 budget ng PCG.

“Ipinapaabot ko ang aking pasasalamat, pagpupugay, at buong suporta sa Philippine Coast Guard. Sa tuwing nagpapatrol kayo sa West Philippine Sea, hindi lamang buhay ninyo ang inilalagay ninyo sa panganib, kundi ipinaglalaban din ninyo ang ating soberanya,” sabi pa niya.

Binigyang-diin din niya ang epekto nito sa rehiyon: “Ang ginagawa ng PCG ay hindi lamang para sa Pilipinas kundi sa buong ASEAN. Anuman ang nangyayari sa West Philippine Sea ay nakakaapekto sa buong rehiyon, pati na rin sa North Asia.”

Si Gatchalian ang namumuno sa Senate finance committee na humahawak sa budget deliberations, kabilang ang pondo para sa PCG.