Gatchalian

PH muling makakamit tiwala ng mga mamumuhunan

417 Views

KAPWA nanawagan sina Senador Shewin Gatchalian at Francis “Kiko” Pangilinan sa mga Pilipino na manatiling matatag at magkaisa sa gitna ng mga hamon ng katiwalian, kawalang-katarungan, at moral na krisis na kinakaharap ng bansa. Binibigyang-diin ng dalawang senador na ang integridad, pananagutan, at pagkilos ng sambayanan ang susi sa muling pagbabalik ng tiwala—sa pamahalaan at sa diwa ng pagka-Pilipino.

Kumpiyansa si Gatchalian na muling makakamit ng Pilipinas ang tiwala ng mga mamumuhunan sa kabila ng mga kontrobersiyang may kinalaman sa katiwalian na yumanig sa kumpiyansa ng merkado. “Hindi naman hopeless ang sitwasyon. Kailangan lang nating ibalik ang tiwala at nagsisimula ‘yan sa pananagutan,” aniya, habang binigyang-diin na ang mabilis at matatag na aksyon laban sa korapsyon ang susi sa pagpapanumbalik ng katatagan ng ekonomiya.

Aminado siyang naapektuhan ng mga isyu ng katiwalian ang imahe ng bansa sa labas dahil pangunahing tinitingnan ng mga dayuhang mamumuhunan ang katatagang politikal at pang-ekonomiya bago maglagak ng puhunan. “Basta magkaroon ng ganitong usapan, apektado kaagad ang foreign investments,” wika ng senador.

Bilang chair ng Senate Finance Committee, tiniyak ni Gatchalian na magiging malinis, tapat, at epektibo ang 2026 national budget, alinsunod sa direktiba ng Senate President. “Ang tanging paraan para maibalik ang tiwala ay ipakita na kayang kumilos ng gobyerno nang may integridad at bilis. Ang mahalaga ngayon ay may makulong, may managot, at mabilis. Mababawi natin ang kumpiyansa kung mapapatunayan nating may accountability ang korapsyon,” dagdag niya.

Samantala, nanawagan si Pangilinan sa mga Pilipino na huwag mawalan ng pag-asa at patuloy na magsalita laban sa social injustices at pang-aabuso sa kapangyarihan. “Sa ating mga kababayan, huwag tayong bibitaw. Kung talagang nais natin yung pagbabago, tayo mismo ang magsalita, tayo mismo (ang) kumilos, tayo mismo ay tumaya,” aniya. “Sabi (nga) ng isang manunulat, ang pinakamainit na lugar sa impyerno ay nakareserba para doon sa mga panahon ng krisis ay nagwawalang-kibo.”

Bilang chair ng Senate Committees on Agriculture, Food and Agrarian Reform; Justice and Human Rights; at Constitutional Amendments and Revision of Codes, binigyang-diin ni Pangilinan na ang tunay na reporma ay nagsisimula sa pagkakaisa at pagkilos ng mamamayan. “Lahat tayo: krisis ang sitwasyon, ngayon ang panahon (para) tumindig, tumaya, makialam, at kumilos,” wika niya. “Naniniwala ako (na) pag taumbayan na ang tumataya, kumikilos, at naninindigan, diyan darating yung pagbabago na nais nating makamtan.”

Parehong nanindigan sina Gatchalian at Pangilinan na kinakailangan ang isang pinag-isang hakbang—isang harmonisado at integradong pagkilos ng pamahalaan at mamamayan—upang maisulong ang reporma, katarungan, at pagbabago.

“Ang mahalaga ngayon ay magkaisa tayo,” diin ni Pangilinan. “Kapag nagkakaisa ang taumbayan, pamahalaan, at mga institusyon, muling babalik ang tiwala at pag-asa.”

Dagdag ni Gatchalian, “We can only move forward if we act together—with integrity, accountability, and unity.”