Calendar
Panukala na nagkakaloob ng ayuda para sa mga mahihirap na balo gagawing prioridad ni Vargas
TINIYAK ni House Deputy Majority Leader at Quezon City 5th District Representative Patrick Michael “PM” D. Vargas na gagawin nitong prioridad ang pagsasabatas ng kaniyang panukala kaugnay sa pagkakaloob ng ayuda para sa mga mahihirap na balo.
Nauna rito, isinulong ng House Deputy Majority Leader ang House Bill No. 5397 o ang Widowed Persons Assistance Act na naglalayong mabigyan ng ayuda gaya ng financial assistance ang mga mahihirap na namatayan ng asawa upang sila ay mabilis na makabangon mula sa kanilang kapighatian at maitaguyod naman ang kanilang pamilya.
Sinabi ni Vargas na ang mga balo na sumasailalim sa labis na kalungkutan habang ang iba ay nagkakaroon ng depression dahil sa pagpanaw ng kanilang asawa ay nararapat lamang na mabigyan ng pansamantalang financial assistance, psycho-social counseling, livelihood support at priority access upang sila ay matulungan sa kanilang pinagdadaanang sitwasyon.
Ipinaliwanag ng kongresista na ang mga balo ay hindi dapat hayaan na magluksa mag-isa at sa halip ay kailnagan silang ihanda sa malaking hamon na kanilang kinakaharap bunsod ng pagkawala ng kanilang mister na katuwang nila sa buhay.
Ipinahayag pa ni Vargas na kailangang maipasa agad ang kaniyang panukala sapagkat malaki ang maitutulong nito partikular na para sa mga biyudang senior citizen na limitado lamang ang kanilang kakayahan na makapag-hanap ng trabaho at kabuhayan.

