Edd Reyes

Cash advances umabot ng P2.1 bilyon

Edd Reyes Oct 15, 2025
292 Views

SINIMULAN nang habulin ng Pamahalaang Lungsod ng Maynila ang mga opisyal ng lokal na pamahalaan na may partisipasyon sa pagkasimot ng pondo ng lungsod.

Naghain na kasi ng kasong kriminal at sibil ang pamahalaang lungsod sa tanggapan ng Ombudsman laban sa isang opisyal na nagbigay umano ng pahintulot na mailipat ang mahigit P170 milyong pondo ng Special Education Fund (SEF) para bayaran ang premium sa Government Service Insurance System (GSIS) at loan amortization gayung ibinabawas na ito sa sahod na mga kawani.

Paglabag sa anti-graft and corrupt practices act, GSIS act, technical malversation, at gross negligence ang inihaing reklamo ng lokal na pamahalaan laban sa naturang opisyal.

Sa kanya kasing State of the City Address sa unang araw na pag-upo sa puwesto, isiniwalat ni Mayor Isko Moreno ang minana niyang P10.2 bilyon na utang ng nakaraang administrasyon, pati na ang malalaking cash advances ng ilang opisyal bago magpalit ng administrasyon.

Pero sabi ng alkalde, kailangan muna niyang unahing mapanumbalik ang kalinisan, kaayusan, at katahimikan bago niya habulin ang mga opisyal na may partisipasyon sa pagkasimot ng pondo ng Maynila.

Ngayong marami ng naging pagbabago sa Maynila at unti-unti na ring nababayaran ang mga minanang obligasyon dahil sa bilis-kilos at walang tulugang paglilingkod ni Yorme para ipadama na may gobyerno na sa Maynila, ang paghabol naman sa mga tiwaling opisyal ang kanyang pinagtutuunan,

Sabi kasi ng alkalde, kapag pinagsama-sama ang cash advances ng mga sangkot na opisyal, aabot ito sa P2.1 bilyon kaya lagot ang mga may kagagawan.

Pagmamalasakit, mahalaga sa panahon ng kalamidad

HINDI mahalaga kung maliit man ang maibahaging tulong sa mga naapektuhan ng malakas na lindol basta’t ang importante ay ang pagmamalasakit sa kapuwa.

Ganito ipinadama ni Navotas City Mayor John Rey Tiangco ang malasakit nang maglaan siya ng P1 milyon mula sa 2025 Quick Response Fund ng kanilang City Disaster Risk Reduction and Management Office bilang tulong sa lalawigan ng Cebu na tinamaan ng 6.0 na lindol.

Katuwiran ni Mayor Tiangco, masuwerte pa rin sila dahil may kapasidad silang nagdala ng tulong at suporta sa mga kababayan sa panahon ng sakuna na dati na nilang ginagawa sa iba pang mga lugar sa bansa na labis na sinalanta ng kalamidad.

Kauna-unahang business conference, inilunsad sa Navotas

ISASAGAWA ang kauna-unahang business conference sa Navotas na lalahukan ng mga negosyante, innovators, at stakeholders upang mapalawak ang paglago ng negosyo sa sektor ng pangingisda, manufacturing, logistics at turismo.

Ayon kay Mayor John Rey Tiangco, nais niyang matiyak na kasama ang mga lokal na negosyante sa pagpasok ng bagong mamumuhunan na magiging daan upang maging modern ang tradisyunal na pangingisda.

Ang dalawang araw aniyang komperensiya na isasagawa sa Oktubre 28-29 sa Navotas Convention Center, katuwang ang Philippine Chamber of Commerce and Industry (PCCI), ay magsisilbi ring plataporma sa mga negosyante sa lungsod upang mapalago ng kanilang negosyo.

Naniniwala naman si PCCI-Navotas President Paul Santos na sumasalamin ang isasagawang conference sa mabilis na pag-unlad ng ekonomiya at kabuhayan ng lungsod.

Sa puna, komento at suhestiyon, mag-text lang sa 0923-347-8363 o mag-email sa eddreyes2006@yahoo.com