Calendar
Dagdag kapangyarihan sa ICI hinihiling
MATATAG ang paninindigan ng Independent Commission for Infrastructure (ICI) na gawing “secret” ang pagdinig sa isyu ng flood control project para raw maiwasan ang “trial by publicity” at hindi magamit sa pamumulitika.
Sabi pa ni ICI Executive Director Bryan Hosaka, isasapubliko naman daw nila ang mga nakalap na ebidensiya at mga dokumento sa oras na maberipika na ito bago i-endorso sa Department of Justice (DOJ) o sa Ombudsman.
Pero siguro, dapat na ring ikonsidera ng ICC ang malakas na panawagan lalu na’t hindi lang naman mga senador, kongresista, netizens, iba’t-ibang organisasyon kundi maging ang Simbahang Katolika ay nananawagan na rin na buksan sa publiko ang pagdinig para mawala ang duda ng mamamayan na may pinapaboran at may pinagtatakpan.
Sinubaybayan kasi ng publiko ang ginawang imbestigasyon dito ng Senado at Kongreso pero ngayong itinigil na ng mga kongresista ang pag-iimbestiga at nagbitiw pa bilang Chairman ng Blue Ribbon Committee si Senator Ping Lacson, lalung nauhaw sa katotohanan ang taumbayan.
Hindi naman natin minemenos ang kakayahan ng mga bumubuo ng ICI lalu’t mga taong may integridad ang mga bumubuo nito pero siyempre, mas nais ng publiko na marinig kung papaano ang ginagawa nilang pag-iimbestiga at pagtatanong sa mga resource person, witness, at suspek.
Sa Kongreso kasi, sanay na sanay na ang mga mambabatas na magtanong at mag-imbestiga sa malalaking eskandalo “in aid of legislation” kaya gusto rin naman ng publiko na marinig kung papaano mag-imbestiga ang isang dating mahistrado, isang dating kalihim ng DPWH, isang certified public accountant, at isang dating hepe ng pambansang kapulisan.
Ang isa pa, kulang ang kapangyarihan ng ICI dahil wala sila sa power na magpa-contempt ng mga personalidad na hindi dadalo sa imbestigasyon kahit pa nga inisyuhan nila ito ng subpoena.
Isa nga ito sa dahilan kung bakit hiniling ni Caloocan 2nd District Rep. Egay Erice sa mga kapuwa kongresista na kumbinsihin si Pangulong Ferdinand Marcos, Jr. na i-certify bilang urgent ang batas na magkakaloob ng contempt powers sa ICI sa pamamagitan ng special session na kaya aniya nilang tapusin sa loob lang ng isang araw bago magsara ang Kongreso sa Oktubre 13, 2025.
Mga nagtapos ng ALS sa Navotas, nabigyan ng insentibo
WALANG pinipiling edad o katayuan sa buhay kung pag-uusapan ang paghahanap ng karunungan at kaalaman dahil kahit mga senior citizens at persons deprived of liberty (PDLs) ay welcome mag-aral sa Navotas City sa pamamagitan ng Alternative Learning System (ALS).
Sa katunayan, pinalawak pa nga ng pamahalaang lungsod ang kasalukuyang ordinansang nagkakaloob ng insentibo para sa mga ALS na dati’y tinatamasa lang ng mga graduates ng elementarya at senior high school.
Kaya nitong Lunes, umabot sa 246 ang nagtapos ng pag-aaral sa pamamagitan ng ALS ang pinagkalooban ni Mayor John Rey Tiangco ng insentibo, kabilang ang 33 mga nagtapos sa elementarya na nakatanggap ng P500 bawa’t isa, tig-P1,000 naman sa 116 na junior high at 97 senior high.
Pinuri pa nga ni Mayor Tiangco ang 67-anyos na si Nazareta Padilla at ang 63-anyos na si Herminigilda Roque na tinapos ang pag-aaral ng elementarya, pati na ang mga PDLs at ang limang senior graduates na nakapagtapos ng caregiving program na ngayon ay kawani na ng Navotas City Hospital.
Sa puna, komento at suhestiyon, mag-text lang sa 0923-347-8363 o mag-email sa eddreyes2006@yahoo.com

