Vic Reyes

Ipagdasal mga biktima ng lindol

Vic Reyes Oct 5, 2025
300 Views

MAGANDANG araw sa lahat ng ating mga suki, lalo na sa mga kababayan natin sa Japan at iba pang panig ng daigdig.

Nawa’y nasa mabuti at ligtas kayong kalagayan.

Binabati natin sina: Ma. Theresa Yasuki, Mama Aki ng Ihawan, Glenn Raganas, Winger dela Cruz, Patricia Coronel, La Dy Pinky, Endo Yumi, Roana San Jose, Yoshiko Katsumata, Josie Gelo, Hiroki Hayashi at Hiroshi Katsumata.

Binabati rin natin si Joann de Guzman at mga kasama niya sa Oman; Dolores Monfero, Delia Sunga ng Saudi Arabia.

God Bless sa inyong lahat!

(Para sa inyong komento at pagbati, mag-text sa:+63 9178624484/email:philipreyes08@yahoo.com. Ilagay lang ang buong pangalan at tirahan.)

***

Mananatiling isang potent group sa Kamara de Representante ang mga party-list na kongresista.

Ang House of Representatives, ay binubuo ng district at sectoral lawmakers.

Ang isang district congressman ay ibinoboto ng mga botante sa isang congressional district.

Samantalang ang party-list solon naman ay ibinoboto ng mga botante sa buong bansa.

Kaya nga marami ang nagsasabi na ang mga sectoral representatives ay mga “Little Senators.”

Kasi nga, kagaya ng mga senador, sila ay ibinoboto ng registered voters sa buong bansa.

Kagaya ng mga miyembro ng Philippine Senate, ang constituency ng isang sectoral lawmaker ay buong Pilipinas.

Ang pagkakaiba lang ay anim na taon ang term of office ng mga miyembro ng Philippine Senate, samanatalang ang mga congressman ay tatlong taon lang ang panunungkulan.

Sa ngayon, mahigit 60 ang sectoral representatives.

Ang mga prominenteng kongresista na miyembro ng party-list groups ay sina dating Senador Laila de Lima at lawyer Chel Diokno.

Ang topnotcher na party-list group noong nakaraang mid-term elections ay ang Tingog ng Leyte. Pumangalawa ang Duterte Youth, pero kinansela ng Comelec ang registration nito.

Dito na pumasok ang tatlong bagong mambabatas na kinabibilangan nina:

Alfred Co delos Santos (Ang Probinsyano) , Arthur Cua Yap (Murang Kuryente) at Robert Raymund “Eskimo” Estrella (Abono).

Si Estrella, ay tubong Rosales, Pangasinan.

Siya ay apo ni yumaong Agrarian Reform Secretary Conrado “Condring” Favis Estrella.

***

Sa tingin natin, mananatili ang suporta ng mga kongresista sa liderato ni Pangulong Bongbong Marcos (BBM).

Magiging smooth ang pagpasa ng mga legislations na isinuslong ng administrasyon.

Lalo na ang proposed 2026 national budget.

Marami pang mahahalagang panukalang batas na magpapaangat sa kabuhayan ng mga Filipino ang dapat maipasa.

Kaya dapat tumutok na ang lahat sa trabaho at itigil na ang bangayan para mapabuti ang kalagayan ng bansa.

***

Sobra ang nararanasang hirap ng maraming tao dahil sa sunod-sunod na bagyong tumama sa bansa. Sinabayan pa ito ng malakas na paglindol sa Siyudad ng Cebu.

Maraming nasirang bahay, pananim, tulay, kalsada at irrigation canals.

Mabuti na lang nakahanda ang pamahalaan sa pangunguna ng Department of Social Welfare and Development para agad tugunan ang pangangailangan ng mga naapektuhan ng bagyo at lindol.

Ipagdasal natin ang mga biktima.