Vic Reyes

Sana maganda ang panahon sa Pasko para di blue Christmas

Vic Reyes Oct 1, 2025
181 Views

MALIGAYANG araw sa ating mga suki, lalo na sa mga kababayan natin sa Japan at iba pang panig ng daigdig.

Nawa’y nasa mabuti at ligtas kayong kalagayan.

Binabati natin sina Ma. Theresa Yasuki, Mama Aki ng Ihawan, Glenn Raganas, Patricia Coronel, La Dy Pinky, Endo Yumi, , Roana San Jose, Winger dela Cruz, Yoshiko Katsumata, Josie Gelo, Hiroki Hayashi, at kay Hiroshi Katsumata.

Binabati rin natin si Joann de Guzman at mga kasama niya sa Oman; Dolores Monfero, Delia Sunga ng Saudi Arabia.

God Bless sa inyong lahat!

(Para sa inyong komento at pagbati, mag-text sa:+63 9178624484/email:philipreyes08@yahoo.com. Ilagay lang ang buong pangalan at tirahan.)

***

Mabuti at patuloy na tininutugunan ng gobyerno ang problema ng mga magsasaka sa bansa.

Natutuwa tayo dahil nandiyan pa rin ang mga magsasaka at mangingisda kahit na marami silang problema.

Isipin na lang natin kung wala ng gustong magsaka dahil sa liit nang kinikita .

Mataas na ang production costs, madalas pang binabarat ng mga traders ang kanilang mga produkto.

Napakahalaga ang food security para sa katatagan at seguridad ng isang bansa.

Alam ito ng gobyerno kaya full support sila sa sektor ng agrikultura.

Kailangan naman talagang tulungan ng gobyerno ang mga magsasaka at mangingisda upang hindi maghanap ng ibang trabaho ang mga ito.

Hindi naman puwedeng umasa tayo sa food imports.

Maraming magugutom sa bansa kung wala ng magsasaka at mangingisda.

Tama ba kami, Agriculture Secretary Francisco “Kiko” Tiu Laurel?

***

Sa tingin ng marami, malaking bagay ang isinasagawang imbestigasyon sa mga maanomalyang flood control projects.

Kitang-kita ang sobrang galit ng taumbayan sa nangyaring katiwalian sa mga proyektong ito.

Ang masakit, lalong napahamak ang mga residente dahil substandard ang mga flood control projects.

Nang mawasak ang mga ginawang infrastructure ay lalong nalubog ang maraming low-lying areas.

Ang maganda lang, mukhang natakot na ang mga tiwaling lingkod-bayan.

Magpapahinga muna siguro ang mga korap sa gobyerno.

Alam naman nilang galit na galit si Pangulong Marcos.

***

Dapat huwag masyadong tumaas ang presyo ng mga bilihin, lalo na ang pagkain dahil talaga namang hirap na ang taumbayan kaugnay ng sunod-sunod na natural calamities.

Hindi lang nasira ang mga pananim at ari-arian.

Marami rin ang hindi nakapasok sa trabaho dahil lubog sa tubig-baha ang mga kalsada at pati mga opisina.

Kawawa ang mga “no work, no pay.”

Sana habang palapit ang Kapaskuhan ay gumanda na rin ang panahon.

Kung hindi, baka lahat tayo ay “blue Christmas” ang abutin.