Calendar
Gumagamit ng AI para magpahiya ng kapwa magdadalawang isip kung may parusa
MALAKING tulong sa pag-unlad, hindi lamang sa buhay ng isang tao, kundi maging sa ekonomiya ang mga makabagong teknolohiya dahil pinabibilis nito ang pagtuklas ng mga impormasyon at pamamaraan upang mapadali ang alinmang transaksiyon.
Isa sa mga makabagong teknolohiya na ginagamit ngayon, hindi lamang sa larangan ng sining, kundi maging sa edukasyon, ang artificial intelligence o AI dahil kaya na nitong lumutas sa iba’t- ibang uri ng problema, lumikha ng kakaibang sining, at gayahin ang katalinuhan ng tao.
Nakakagawa rin ng sariling desisyon ang AI at sa pamamagitan ng paggamit nito, makakayang gayahin ang boses at gawi ng isang tao at kaya rin nitong unawain ang anumang wika.
Tunay na maraming naia-ambag ang teknolohya ng paggamit ng artificial intelligence lalu na sa edukasyon at sining dahil kaya nitong lumikha ng mga bagay na hindi aakalain ng isang tao na puwede pala itong gawin.
Kaya lang, may negatibo ring epekto sa buhay ng tao ang paggamit ng AI, lalu na sa mga kilalang personalidad, dahil nagagamit ang kanilang larawan o video upang maging katatawanan sa mata ng publiko.
Sa araw-araw kasi nating pagbubukas sa social media, iba’t-ibang uri ng mga larawan, video, at istorya ng mga kilalang personalidad ang ating natutungyahan na karaniwan ng nakaka-aliw lalu na’t may kaugnayan ito sa mga nangyayari sa ating lipunan.
Lagi ngang may kaugnayan ang mga lumalabas na AI generated video at larawan sa social media ang tungkol sa korapsiyon sa flood control projects kung saan pawang mga nasasangkot na indibiduwal na iniimbestigahan ang ini-insulto at ginagamt na katatawanan
Maging si Marikina 2nd District Councilor Jaren Feleciano nga ay pumalag sa paggamit ng kanyang larawan habang nakayapos sa kanya si Marikina 1st District Congressman Marcelino Teodoro na tila pinalalabas na may relasyon sila gayung sa orihinal na larawan ay solo lamang at walang kasama ang konsehala.
Siguro, kung may mapaparusahan sa mga gumagamit ng AI para magpahiya at mang-insulto sa isang tao, baka magdalawang-isip na ang mga gumagamit nito sa hindi wastong paraan.
234 skilled workers, nagtapos sa Navotaas Institute
MALAKING bentahe para sa nais magtrabaho sa ibang bansa kung may resibo silang maipakikita na patunay ng kasanayan sa larangang pipiliin.
Isa ito sa dahilan kung bakit itinulak ng Lokal na Pamahalaan ng Navotas ang pagtatayo ng Navotas Vocational Training and Assessment (Navotaas) Institute na nabigyan pa nga ng sertipikasyon ngTechnical Education and Skills Development Authority (TESDA) para matulungan ang mga Navoteno na gumanda ang buhay.
Nito lang nakaraang linggo, pinangunahan ni Mayor John Rey Tiangco ang pamamahagi ng sertipiko sa may 234 na mga nagtapos ng pag-aaral sa Navotaas Institute na magagamit nilang resibo sa pag-aaply ng trabaho, lokal man o sa ibang bansa.
Alam naman natin na in-demand sa maraming bansa ang mga skilled workers na mga Pinoy kaya umaasa si Mayor Tiangco na magiging puhunan ng kanyang mga kababayan ang natutunan sa kanilang pag-aaral sa Navotaas Institute.
Sa puna, komento at suhestiyon, mag-text lang sa 0923-347-8363 o mag-email sa eddreyes2006@yahoo.com
