Vic Reyes

Pati mga bata alam na nangyayari sa bansa

Vic Reyes May 31, 2026
30 Views

MAGANDANG araw sa lahat ng ating mga suki, lalo na sa mga kababayan natin diyan sa Japan at Middle East.

Nawa’y nasa mabuti at ligtas kayong kalagayan

Binabati natin sina Ma. Theresa Yasuki, Patricia Coronel, Aimi Houchii, Roana San Jose, La Dy Pinky, Chato Coronel, Endo Yumi, Yoshiko Katsumata, Hiroki Hayashi, Winger dela Cruz, at Hiroshi Katsumata.

Ganun din kay Joanne de Guzman at iba pang OFW natin sa Oman at Jess Manuel ng Saudi Arabia. Mag-iingat kayo diyan at hangad namin ang inyong kaligtasan.

***

Me mga natatanggap na naman tayong reklamo kaugnay sa mga eksaminasyon ng shipment dyan sa mga puerto ng BOC.

Ayon sa sumbong, kapag daw sumailalim ang shipment “for examination” ito na ang simula ng kalbaryo ng mga broker/importer.

Kung minsan daw kasi, kahit wala o napakaliit naman ng diperensiya ng kargamento, ang tindi daw tumara ng mga nakatalagang ahente ng bawat unit ng BOC.

Biruin mo, siyam na unit daw ang kailangang ayusin, totoo kaya ito?

Hilahod na nga sa paghahanap ng kliyente ang mga broker, pahihirapan pa!

Masyado na daw nasasaktan ang mga broker at importer sa sistema ng ilang mga gahaman diyan sa BOC.

Sana aksyunan agad ito ng mga opisyal ng BOC, dahil siguradong hindi sila sasantuhin ni Commisioner Ariel Nepomuceno

Abangan…

***

Kagaya ng graft and corruption, talagang mahirap patigilin ang ismagling ng mga produktong agrikultura at ipinagbabawal na gamot.

Hindi lang ito sa kakulangan ng manpower at material resources ng gobyerno, na kagaya ng barko at patrol boats.

Nandiyan din ang mga maliliit na isla sa bansa na puwedeng pagdaungan ng mga sasakyang tubig namay lulang kontrabando.

Mabuti na lang, nasasakote ng mga taga-Bureau of Customs (BOC), at mga partner-agencies, ang mga nakalulusot na kontrabando.

At sa mga ports of entry, abala rin ang mga taga-BOC sa pagbabantay ng mga nakatagong kontrabando sa mga inbound shipments at parcels.

Malaking tulong rin ang mga intelligence reports na natatanggap ng BOC mula sa labas ng bansa.

Kaya nga madalas na inaabandona na lang ng mga smuggles/consignees ang kanilang mga shipments na naglalaman ng mga kontrabando.

Alam nilang mabubuko ng mga taga-BOC ang totoong laman ng mga shipments.

Ganyan ang nangyari sa limang unclaimed parcels sa Central Mail Exchange Center (CMEC) sa Pasay City noong Mayo 26.

Galing ng Canada at France, ang parcels ay deklaradong ordinary consumer items.

Ang laman daw ng mga ito ay—gifts, laruan, damit at iba pang personal goods.

“During inspection and profiling procedures, customs personnel noted irregularities and concealment indicators,” ayon Sa BOC.

Ang mga parcels ay naka-address sa iba’t ibang recipients sa Pampanga, Zambales at Cagayan de Oro City.

Ang mga ito’y naglalaman ng high-grade marijuana o kush, ecstasy tablets, ketamine, cocaine at hindi kilalang“brown substances.”

Timatayang P6.4M ang halaga ng mga illegal drugs.

Isinalin sa kustodiya ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) ang illegal drugs “for laboratory examination, case-build-up and the filing of appropriate charges for violation of Republic Act No. 9165.”

Ayon kay Customs Commissioner Ariel F. Nepomuceno nanananatiling determinado ang ahensya para lalong mapalakas ang enforcement operations nito.

Sa ilalim ng pamamahala ni District Collector Yasmin O. Mapa, tuloy-tuloy ang border control measures at intelligence-driven operations ng BOC-Ninoy Aquino International Airport.

Ang mga anti-smuggling operations ng BOC ay alinsunod sa direktiba ni Pangulong Ferdinand R, Marcos Jr. na pigilan ang pagpasok sa bansa ng mga kontrabando.

Bagamat imposibleng matigil ang ismagling, ang tanging magagawa ng mga otoridad ay i-reduce ang smuggling activities.

***

Unang araw ngayon ng buwan ng Hunyo.

Kagaya ng inaasahan, balik na naman ang bangayan ng mga nag-aaway na Senador.

Sa kasaysayan, ngayon lang nangyari ang garapalang panloloko sa taumbayan ng ilang miyembro ng Senado.

Balewala na sa kanila kung ano ang sentimiento ng sambayanan.

Kung sabagay, ingat sila dahil alam na ng mga kababayan natin, lalo na ang mga botante, kung sinu-sino ang mga dapat iboto sa darating na 2028 elections.

Huwag natin kalimutan na 12 sa 24 senator-judges ay matatapos ang termino sa 2028.

Kung hindi magugustuhan ng taumbayan ang kanilang mga desisyon ay katapusan na ito nang kanilang political career.

Iba na ngayon ang sitwasyon dahil pati mga bata ay alam na ang mga nangyayari sa bansa!

(Para sa inyong komento at pagbati, mag-text sa # 09178624484/email:philipreyes08@yahoo.com)