Edd Reyes

Malalaking kompanya makakatulong sa gobyerno maibsan ang pagbaha

Edd Reyes Jun 3, 2026
40 Views

MALAPIT na ang tag-ulan kaya panay ang paghahanda ng pamahalaan at maging mga pribadong sektor para maibsan kahit papaano ang pagbaha at epekto nito sa buhay ng mamamayan.

Nito nga lang nakaraang linggo, nakipagsanib-puwersa ang sangay ng Metro Pacific Tollways Corporation (MPTC) na Metro Pacific Tollways South (MPTS) sa national government at mga lokal na pamahalaan para talakayin ang pamamaraan kung papaano maibsan ang pagbaha sa mga lungsod sa katimugang bahagi ng Kamaynilaan at karatig lalawigan pagsapit ng tag-ulan..

Kabilang sa mga mahahalagang tinalakay ang mahigpit na pagpapatupad ng ordinansa kaugnay sa maling pagtatapon ng basura, regular na paglilinis ng mga estero at kanal, at pag-monitor sa mga kritikal na daluyan ng tubig na pangunahing dahilan ng mga pagbaha.

Napagusapan din ang kinakailangang tulong ng mga barangay at volunteer groups para sa maayos na implementasyon ng mga batas at ordinansa, pati na sa kampanya para sa kaalaman at kahalagahan ng kalikasan, maayos na paghihiwalay ng mga basura, pagpa-plano ng imprastraktura at mga hakbang sa pagbabawas ng panganib sa kalamidad,

Tiniyak ni MPT South President and General Manager Andrew Pangilinan na ang pakikipagtulungan nila sa mga lokal na pamahalaan sa katimugan at sa mga ahensiya ng gobyerno ay magbibigay ng pag-asa upang maibsan, hindi man tuluyang mawala, ang mga pagbaha sa mga komuidad.

Sana, hindi lang ang MPTC ang may ganitong hakbang para maibsan ang mga pagbaha, kundi ang iba pang malalaking pribadong kompanya na may kakayahang maglaan ng pondo para makatulong sa gobyerno at taumbayan.

Mga estudyanteng nagtapos sa public school, may cash incentive

MALAKI ring halaga ang inilaan ng Pamahalaang Lungsod ng Navotas upang pagkalooban ng cash incentives ang mga estudyanteng nagtapos sa pampubliko nilang paaralan.

Bukod kasi sa tig-P500 na ibinigay sa 3,776 estudyante na nagtapos ng Grade 6, pinagkalooban din ng tig-P1,000 insentibo ang 1,986 na nagtapos ng Grade 12 habang sisimulan na rin ngayong taon ang pagbibigay ng tig-P1000 sa mga magtatapos naman sa Grade 10.

Sabi ni Mayor John Rey Tiangco, nananatili siyang nakatuon sa pamumuhunan sa edukasyon at pagkilala sa pagsisikap ng mga estudyante kaya maging ang mga magtatapos sa Navotas Polytechnic College ngayong taon ay pagkakalooban din ng lokal na pamahalaan ng tig- P1,500.

Bahagi lang aniya ito ng patuloy nilang pagsisikap na udyukan ang mga estudtyante na pagbutihin ang kanilang pag-aaral at matiyak na walang mag-aaral ang maiiwanan dahil lamang sa kakapusan ng salapi.

Mga shipyard owner, tutulong sa pagsugpo sa baha sa Navotas

KASADO na ang mga hakbang na gagawin ng mga may-ari ng shipyard sa Navotas City upang makatulong na lokal na pamahalaan na mabawasan ang panganib ng pagbaha sa nalalapit na tag-ulan ng sa gayon ay maprotektahan ang mga komunidad, pati na rin ang kanilang negosyo.

Nito lang kasing nakaraang linggo, nagtungo sa tanggapan ni Mayor John Rey Tiangco ang mga may-ari at kinatawan ng mga miyembro ng Metro Shipbuilders and Ship Repairers Association, Inc. (MSSAI) na may baradero o dry dock sa daluyan ng tubig sa lungsod para ilatag ang kanilang paghahanda sa pagsapit ng tag-ulan.

Kumpiyansa si Mayor Tiangco na sa pakikipagtulungan ng mga shipyard owners, tiyak na mapagtitibay nila ang kahandaan laban sa magiging epekto ng inaasahang malalakas na buhos ng ulan at iba pang kalamidad.

Sa puna, komento at suhestiyon, mag-text lang sa 0923-347-8363 o mag-email sa eddreyes2006@yahoo.com