Suspek

Dahil sa cyberlibel, babae ‘di nakaalis pa-Bahrain

Edd Reyes Oct 19, 2025
273 Views

NAHARANG makaalis ang babaeng papunta sa Bahrain ng mga tauhan ng Philippine National Police Aviation Security Group (AVSEGROUP) noong Sabado sa Ninoy Aquino International Airport Terminal 3 sa Pasay City dahil may warrant of arrest ito para sa kasong cyberlibel.

Hinarang ng immigration officer sa Central Security Screening Checkpoint ang babaeng pasahero ng mga tauhan ng AVSEGROUP, kasama ang Quezon City District Field Unit-Criminal Investigation and Detection Group (QCDFU-CIDG), dahil sa arrest warrant na inilabas ng Ormoc City Regional Trial Court (RTC) kaugnay sa kasong cyberlibel.

May inilaan na piyansang P48,000 para sa pansamantalang paglaya ng suspek.

Pinuri ni PNP-AVSEGROUP director P/BGen. Jay Cumigad ang koordinasyon ng mga law enforcement agency na nagresulta sa pagkakadakip sa pasahero.

Kasalukuyang nasa pangangalaga na ng QCDFU-CIDG ang babaeng suspek habang hinihintay ang ilalabas na kautusan ng korte para sa paglipat sa kanya sa Bureau of Jail Management (BJMP) sa Ormoc City.