Calendar
Source: Caloocan fire volunteers
Ina, 50, anak na babae, 8, nasawi sa sunog sa Caloocan

DEDO ang 50-anyos na ina at walong-taong gulang niyang anak na babae habang sugatan ang kanyang mister at binatilyong anak sa sunog na naganap Lunes ng madaling araw sa Caloocan City.
Natagpuan ang sunog ng bangkay ng isa sa nasawi sa dulong bahagi sa 2nd floor ng dalawang palapag na bahay sa Velasco St. Brgy. 7 habang sa unang palapag na nakita ang isa pang nang bumagsak na ang sahig ng nasunog na bahay.
Isinugod naman sa pinakamalapit na pagamutan ang 49-anyos na mister at 13-anyos nilang anak na nagtamo ng sugat sa bahagi ng kanilang katawan nang makalabas sa nasusunog nilang bahay.
Sa ulat ng Caloocan Bureau of Fire Protection (BFP), nagsimulang sumiklab ang apoy sa hindi pa batid na dahilan dakong alas-3:15 ng madaling araw sa bahay ng kaanak ng mga nasawi sa 104 Velascto St. na kaagad nirespondehan ng may 25 firetrucks, kabilang na ang mga fire volunteers.
Itinaas lamang sa unang alarma ang sunog na nakontrol dakong alas-4:46 bago idineklarang fire out alas-5:25 ng umaga. Limang kabahayan ang natupok ng apoy na nagresulta sa pagkawala ng tirahan ng 23-pamilya.
Sa pahayag ni F/Insp. Niño Villafuerte ng BFP Caloocan Central Fire Substation, karamihan sa mga apektadong pamilya ay walang naisalbang gamit dahil bukod sa natutulog ang karamihan, mabilis din ang paglaki ng apoy.
Inaalam pa ng mga arson investigator ang sanhi ng sunog at halaga ng natupok na ari-arian habang pansamantala namang nanunuluyan sa covered court ng Barangay 7 ang mga nasunugan kung saan kaagad silang pinadalhan ng mainit na pagkain at pangunahing pangangailangan ni Mayor Dale Gonzalo “Along” Malapitan.

