Hanger

Babae tinamaan ng hanger sa ulo, dedo

14 Views

TODAS ang babaeng tinamaan sa ulo ng inihagis na metal hanger ng kanyang kapitbahay sa Brgy. Balingasa, Quezon City noong Linggo.

Naisugod pa sa Quezon City General Hospital ang biktima ngunit idineklarang dead-on-arrival.

Nasa kustodiya na ng Quezon City Police District (QCPD) ang 28-anyos na suspek na residente rin ng nasabing barangay.

Sa inisyal na imbestigasyon, dakong ala-1:00 ng hapon narinig umano ng biktima at ng kanyang kinakasama ang malakas na kalabog mula sa kabilang bahagi ng kanilang pader.

Nang silipin ng kinakasama ang pinagmulan ng ingay, nakita niya ang suspek na may hawak na metal rod hanger at inihahagis ito sa ibabaw ng pader.

Tinamaan sa ulo ang biktima at natumba. Sa kabila nito, naghagis pa umano ng isa pang metal object ang suspek bago umakyat sa pader.

Nang makitang duguan at walang malay ang biktima, tumakas ang suspek ngunit hinabol siya ng kinakasama nito at napigilang tumakas.

Nabatid din sa police records na may dati nang kasong theft ang suspek noong Hunyo 18, 2024.