Animal

LIBRENG KAPON

787 Views

Bilang pagdiriwang ng World Animal Month, nakipagtulungan ang BIYAYA Animal Care sa Pamahalaang Lungsod ng Maynila upang makapagbigay ng libreng serbisyo ng kapon at ligate (neuter at spay) sa mahigit 1,000 aso at pusa, pati na rin ng libreng bakuna kontra rabies, ngayong Sabado.

Ang proyektong pinamagatang “Tara Na, Kapon” ay dinaluhan ng daan-daang residente mula sa Metro Manila at mga kalapit na lalawigan upang magpagamit ng libreng serbisyo at makatanggap ng iba pang mga pakulo para sa kanilang mga alagang hayop sa Rizal Park.

Binibigyang-diin ni BIYAYA Chief Executive Officer at Co-Founder Rina Ortiz ang kahalagahan ng pagpapakapon bilang pinakaepektibo at makataong solusyon sa lumalalang suliranin ng sobrang dami ng mga alagang hayop—isang pandaigdigang isyu na nagreresulta sa mataas na bilang ng mga asong pinapatay sa mga dog pound at nagdudulot ng banta sa kalusugan ng publiko dahil sa mga sakit gaya ng rabies.