Property developers may tie-up sa 4PH program

Arlene Rivera Oct 11, 2026
18 Views

SINABI ni Department of Human Settlements and Urban Development (DHSUD) Secretary Jose Ramon Aliling na ilang developers ang makikipag-tie up sa Pag-IBIG Fund para mapalakas ang Expanded Pambansang Pabahay para sa Pilipino (4PH) Program.

Ayon kay Aliling, welcome ang mga developer sa Expanded 4PH Program, ang “game changer” na government housing initiative.

Sa kasalukuyan, lima ng developers – Megawide Construction Corp., Ayala Land Inc. housing brands na Amaia at Avida, SM Development Corp., Filinvest Land Inc. at Robinson Land Corp. – ang nakikiisa sa Expanded 4PH program.

“This is a game changer as far as the government housing program is concerned. Private sector confidence continues to grow, especially coming from some of the country’s top and respected developers. We take this growing confidence from the private sector as a positive vote for the sustainability of the Expanded 4PH Program. Malaking bagay ang tiwala ng pribadong sektor sa gobyerno upang magtagumpay ang ating mga programa,” sabi ng kalihim.

Sinabi ng pa DHSUD chief na makatutulong para makagawa ng better quality housing at wider financing options sa homebuyer-beneficiaries ang pagsali ng bigating developers sa programa.

“Sa pagpasok ngayon ng mga malalaking developer, tiwala tayo na siguradong dekalidad ang mga pabahay na ma-o-offer natin sa mga homebuyers at magaganda ang lokasyon para sa kapakinabangan ng ating homebuyers,” dagdag ng secretary.

Sa ilalim ng tie-up, mago-offer ang mga participating developer ng preferential rates at iba pang incentives sa Pag-IBIG Fund members para maka-avail ng bahay sa ilalim ng Expanded 4PH.

“Alinsunod sa direktiba ni Pangulong Marcos Jr., mas paiigtingin pa ng DHSUD kasama ang aming mga key shelter agencies ang pagpapalawak ng programang pabahay ng ating pamahalaan,” sabi ni Aliling.