QCPD Larawan mula sa Quezon City Police District/FB

QCPD umaksyon: 18 huli sa 1-day warrant ops

18 Views

LABING-WALO ang naaresto, kabilang ang No. 1 most wanted person (MWP) ng Police Regional Office 4A (PRO 4A), sa one-day warrant operations ng Quezon City Police District (QCPD) noong Oktubre 9.

Anim sa mga naaresto ang kabilang sa listahan ng MWP, habang 12 ang iba pang wanted persons.

Kinilala ang isa sa mga naaresto sa alyas na “Jo,” 40-anyos, na dinakip ng mga tauhan ng Payatas-Bagong Silangan Police Station (PS 13), katuwang ang Warrant Tracker Team ng Kawit Municipal Police Station at Intelligence Group ng PRO 4A, dakong alas-10:25 ng gabi sa Matapang Street, Carpel, Barangay Payatas, Quezon City.

May nakabinbing warrant of arrest si “Jo” para sa tatlong counts ng robbery with homicide na inisyu ng Regional Trial Court sa Tagaytay City, Cavite. May kaso ring murder ang suspek, ayon sa report.

Dinakip din ng Fairview Police Station 5 si alyas “Roa,” 39-anyos, na No. 6 most wanted ng naturang himpilan. Ito ay may arrest warrant dahil sa paglabag sa Republic Act (RA) 10883, o New Anti-Carnapping Act of 2016.

Naaresto naman ng Holy Spirit Police Station 14 ang 50-anyos na si alyas “Chris” dahil sa paglabag sa RA 9165, o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.

May nauna rin siyang rekord sa kaparehong kaso noong Hunyo 2017 at Abril 2018.

Ayon kay acting QCPD Director PBrig. Gen. Christopher Olazo, patuloy ang kanilang operasyon upang matugis ang mga wanted person at maiharap ang mga ito sa mga kinauukulang hukuman.