Anicete Kinilala ni PLt. Col. Rommel Anicete ang mga suspek sa rape at may kaugnayan sa ilegal na droga na natimbog sa Baseco Compound, Port Area, Manila.

2 suspek sa krimen nasukol sa Maynila

Jon-jon Reyes Oct 11, 2026
23 Views

SWAK sa rehas ang 33-anyos na lalaki matapos matimbog ng mga operatiba ng Manila Police District (MPD) Baseco Police Station 13 dahil sa kasong rape by sexual assault sa Mr. Kimbob sa 352 Shaw Boulevard, Mandaluyong City, noong Biyernes.

Nakilala ang suspek na si alyas “Dondi,” ayon kay Police Lieutenant Colonel Rommel Anicete, na nahuli bandang alas-6:15 ng gabi.

Isinilbi ng mga tauhan ng Warrant and Subpoena Section ng Baseco Police, sa pamumuno ni PLt. Apolonio Ellao, ang arrest warrant sa akusado na inisyu ni Judge Maria Lorenza Barias-Siosana ng National Capital Judicial Region, Branch 38, Manila City.

May rekomendadong piyansa na P400,000 para sa dalawang counts ng kaso kapalit ng temporary liberty ng suspek.

Ang suspek ay kabilang sa top 1 most wanted person at nasa kustodiya na ng MPD Baseco Police Station 13.

Samantala, nalambat din ng mga operatiba ng Station Drugs Enforcement Unit ng nasabing station ang 52-anyos na lalaki sa buy-bust operation sa Block 1, Gasangan, Baseco Compound, Port Area, Manila.

Ang suspek, si alyas “Lay-Laya,” ay nahuli bandang alas-10:30 ng gabi nina PLt. Markson Ramos, at nasamsaman ng 6.98 na gramo ng shabu na may halagang P47,464.

Ayon kay Anicete, hindi nila papayagan na pamugaran ng mga kriminal ang area of responsibility nila kaya mahigpit ang checkpoint mula sa bungad ng lugar.