Calendar
Inuman ng tropa nauwi sa batuhan ng bote, saksakan; 2 sugatan
DALAWA ang malubhang nasugatan nang mauwi sa rambulan ang masayang pag-iinuman ng magkaka-tropa Linggo ng madaling araw sa Malabon City.
Patuloy na ino-obserbahan sa Tondo Medical Center sina alyas Melvi, 23, utility worker, at alyas Mark, 25, kusinero, kapuwa residente ng Adante St. Brgy Tañong, sanhi ng tinamong tama ng saksak sa bahagi ng kanilang katawan.
Sa tinanggap na ulat ni Malabon police chief P/Col. Kenneth Mission, dumalo ang dalawa, kasama ang iba pang kaibigan, sa birthday party ng kanilang ka-tropa na ginanap sa 420 C4 Road, Brgy. Tañong nang batuhin sila ng bote ng grupo ng mga suspek dakong alas-2:35 ng madaling araw.
Gumanti ang grupo ng biktima hanggang mauwi sa rambulan at paghahabulan na umabot sa tulay ng C4 Road, Brgy. Longos.
Sa pahayag ng testigong si alyas Lanie sa pulisya, nakikipagtalo ang mga biktima nang bigla silang undayan ng saksak ng hindi pa nakikilalang suspek na mabilis ding tumakas patungo sa Brgy. Longos.
Nagsasagawa na ng follow-up operation ang mga operatiba ng Malabon Police Sub-Station 5 para sa agarang pagdakip sa suspek at mga kasama nito.

