Wanted

23 wanted suspek laglag sa 2 araw ng manhunt ops ng NPD

Edd Reyes Oct 11, 2026
306 Views

UMABOT sa 23 mga wanted na kriminal ang nadakip ng pulisya sa magkakahiwalay na manhunt operations sa loob lamang ng dalawang araw sa hilagang bahagi ng Metro Manila.

Ayon kay Northern Police District (NPD) Director P/BGen. Benliner Capili, 12 ang kanilang nadakip noong Miyerkules, kabilang ang 41-anyos na akusado sa paglabag sa Anti-Hazing Law sa Valenzuela City na walang inirekomendang piyansa, at mga kriminal na may kinakaharap na kasong may kaugnayan sa ilegal na pagdadala ng baril at pagnanakaw.

Nasilo naman ang 11 wanted na kriminal noong araw ng Huwebes, pati na ang tatlong nasa talaan ng Most Wanted Persons na may mga kinakaharap na kasong qualified rape, robbery, at perjury sa magkahiwalay na lugar sa mga Lungsod ng Navotas at Malabon.

Nakasamsam din ang pulisya sa tuloy-tuloy na operasyon ng kalibre .38 revolver at mga bala na gagamiting ebidensiya sa pamamagitan ng pagsasailalim sa kaukulang legal na proseso.

Ayon kay BGen. Capili, ang maigting na manhunt at anti-criminality operations sa CAMANAVA area ay naka-ayon sa patnubay at gabay ni National Capital Region Police Office (NCRPO) Acting Director P/BGen. Christopher Abrahano na layong mapanatili ang kaligtasan at kaayusan ss apat na lungsod sa hilagang bahagi ng Metro Manila.