Munti

Karpintero arestado sa panloloob sa marahas na paraan

100 Views

TIMBOG ang 31-anyos na karpintero na sangkot sa marahas na paraan ng panloloob sa kanyang biktima matapos masukol ng pulisya noong Sabado ng hapon sa Muntinlupa City.

Sa Barangay Alabang, natiyempuhan ng mga tauhan ni Southern Police District (SPD) Director P/BGen. Rodel Pastor si alyas Razul matapos ang manhunt operation na ikinasa ng pulisya dakong alas-1:45 ng hapon.

Ayon kay Muntinlupa police chief P/Col. Olivia Ancheta, may hawak silang warrant of arrest na inilabas ni Presiding Judge Abraham Joseph B. Alcantara ng Regional Trial Court (RTC) Branch 204 ng Muntinlupa City nang dakpin nila si alyas Razul na nahaharap sa kasong Robbery with Violence Against or Intimidation of Persons na may kaukulang piyansang P100,000 para sa pansamantalang paglaya.

Nakapiit muna sa custodal facility ng Muntinlupa Police Station ang akusado habang hinihintay pa ang utos ng korte para sa paglilipat sa kanya sa Muntinlupa City Jail.

“Patuloy nating tututukan ang pag-aresto sa mga wanted persons at sisiguraduhin nating maipatutupad ang mga warrant nang maayos at naaayon sa batas upang matiyak na napapanagot ang mga lumalabag sa batas at napoprotektahan ang ating mga komunidad,” pahayag ni BGen. Pastor.