Parak

Parak na nagbayad ng gatas ng shoplifter pinuri ng hepe ng PNP

Alfred Dalizon Nov 2, 2025
287 Views

PINURI ni acting Philippine National Police (PNP) Chief Lt. General Jose Melencio Nartatez Jr. ang hepe ng Tabuk City police na piniling bayaran ang isang karton ng gatas na ninakaw umano ng isang residente para sa kanyang sanggol noong Miyerkules.

Ayon kay Nartatez, patunay si Lt. Colonel Jack Angog na maraming pulis ang makatao at may malasakit sa pagpapatupad ng batas.

Batay sa CCTV footage ng Talavera Supermart, nakita ang lalaki na kinuha ang isang kahon ng formula milk na may bigat na 1.725 kilo.

Dinala siya sa Sub-station 2 sa Barangay Bulanao sa Tabuk City matapos makorner ng mga tao.

Sa isinagawang imbestigasyon, napag-alamang nawalan ang lalaki ng trabaho, iniwan ng kanyang asawa at ipinaubaya na lang sa kanya ang pangangalaga sa kanilang sanggol.

Dahil sa gutom at matinding pangangailangan, inamin ng lalaki na kinuha niya ang gatas upang mapakain ang kanyang anak.

Sa halip na hatulan, binayaran ni Angog ang gatas para hindi na makulong ang lalaki.

“Hindi kinukunsinti ng PNP ang anumang uri ng pagnanakaw o paglabag sa batas. Ngunit dapat din nating maunawaan na sa likod ng bawat pagkakamali ay madalas may kuwento ng kahirapan.

Dito pumapasok ang makataong pamumuno ― ang pagpapatupad ng batas nang may katatagan, ngunit may pag-unawa at malasakit. Iyan ang tunay na diwa ng paglilingkod-bayan,” pahayag ni Nartatez.

Ayon sa opisyal, patuloy na isinusulong ng organisasyon ang ganitong balanseng pamamaraan sa pamamagitan ng PNP Focused Agenda, na naglalayong itaguyod ang isang uri ng pagpupulis na makatao at may integridad.

“Ang kuwentong ito ay paalala na ang pagsusuot ng uniporme ay nangangahulugan ding may damdaming handang umunawa sa mga naghihirap,” sabi ni Brigadier Gen. Randulf T. Tuaño, ang tagapagsalita ng PNP.