Calendar
Pinangunahan ni Acting Chief PNP, Police Lieutenant General Jose Melencio C. Nartatez Jr., ang pagkilala at pagbibigay-pugay sa kabayanihan ni Police Captain Joel Deiparine ng CIDG Regional Field Unit 7, na nasawi sa pananambang habang ginagampanan ang kanyang tungkulin sa Barangay Sudlon 2, Cebu City. JONJON C. REYES
Nartatez nagbigay pugay kay Capt. Deiparine
DUMALAW si acting Philippine National Police (PNP) chief Police Lieutenant General Jose Melencio C. Nartatez Jr. noong Oktubre 31 sa lamay ni Police Captain Joel Deiparine na napatay sa Brgy. Sudlon 2, Cebu City kamakailan.
Kasama sina Police Brigadier General Redrico A. Maranan, director ng Police Regional Office (PRO)-7, at ilang matataas na opisyal ng pulisya, nakiramay si Nartatez sa pamilya ni Capt. Deiparine.
Iniabot din ni Lt. Gen. Nartatez ang tulong pinansyal sa pamilya Deiparine na patunay sa pangako ng PNP na dadamay sa mga natodas na pulis.
“Si Captain Deiparine ay isang pulis na naglingkod ng may puso at tapang,” ani Lt. Gen. Nartatez.
Nasa operasyon noong Oktubre 25 ang pulis nang tambangan siya at ang kanyang kasama na si dating Master Sergeant Artchel Tero ng mga hindi pa nakikilalang suspek.
Nag-alok ang PNP ng P500,000 pabuya para sa impormasyon na magtuturo sa mga salarin.
Noong Oktubre 29, sumuko sa mga awtoridad sa Pasig City ang isa sa mga suspek na si Leonardo “Jun” Manto Jr.
Kinumpirma ni Nartatez na umamin si Manto sa kanyang pagkakasangkot sa pananambang sa isang panayam sa radyo matapos umano niyang maramdaman ang “matinding pressure” mula sa isinagawang nationwide manhunt.
Kasalukuyan na itong nasa kustodiya ng pulisya at ibabalik sa Cebu upang harapin ang mga kaso.
Binigyang-diin pa niya na ang kabayanihan ni Deiparine ay larawan ng mga lingkod-bayan na patuloy na tumutupad sa kanilang sinumpaang tungkulin kahit walang papuri o pagkilala.
“Ang kanyang katapangan ay sumasalamin sa tahimik na kabayanihan na nagpapanatili ng katahimikan ng mga komunidad at kaligtasan ng sambayanan,” dagdag ni Nartatez.

