Martin

Dating Speaker Romualdez, Tingog Party-list: Pangunahing relief goods, bigas naipuwesto na sa Tacloban City, 7 bayan ng Leyte

375 Views

TingogTingog1Maagang tulong siniguro para sa maaapektuhan ng Bagyong Tino

NAIPUWESTO na ng mga opisina ni dating Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez ng unang distrito ng Leyte at ng Tingog Party-list ang mga bigas at pangunahing relief goods sa Tacloban City at sa pitong bayan ng Leyte upang matiyak ang agarang tulong sa mga pamilyang maaaring maapektuhan ng Bagyong Tino (international name: Kalmaegi).

Ayon kay Romualdez, naghatid na ng paunang suplay ang mga tauhan at boluntaryo ng Tingog sa mga bayan ng Palo, Tanauan, Tolosa, Sta. Fe, Alang-alang, San Miguel, at Babatngon bilang bahagi ng kanilang mga paghahanda.

Binanggit niya na “ang kahandaan ay nananatiling pangunahing prayoridad upang maprotektahan ang mga bulnerableng komunidad, lalo na sa mga baybaying at mabababang barangay.”

Ayon sa Tingog, makatatanggap ang bawat bayan ng mga relief items gaya ng noodles, sardinas, biskwit, kape, Energen, at bigas para sa mga bayan ng Palo, Tanauan, Alang-alang, Tolosa, Sta. Fe, San Miguel, at Babatngon.

Bahagi ito ng mas malawak na inisyatibo sa paghahanda, kung saan humigit-kumulang 15,000 kilo ng bigas ang naipuwesto na para sa agarang pamamahagi kung lalala ang sitwasyon.

Kasama rin sa mga nakahandang relief supplies ang 110 kahon ng noodles, 80 kahon ng sardinas, 20 kahon ng Energen, 25 kahon ng biskwit, at 80 kahon ng kape.

Sinimulan din ng grupo ang pamamahagi ng mainit na pagkain sa mga evacuee na dumating sa iba’t ibang evacuation centers sa Tacloban City nitong Lunes ng hapon bilang bahagi ng kanilang tuloy-tuloy na relief at readiness operations.

Layunin ng pamimigay ng pagkain na magbigay ng ginhawa at sustansya sa mga pamilyang pansamantalang lumikas dahil sa masamang panahon, ayon sa Tingog.

Pagsapit ng Lunes ng gabi, tinatayang 3,000 mainit na pagkain na ang naipamahagi sa mga evacuee sa Tacloban, dagdag ng Tingog.

Magpapatuloy ang feeding operation hanggang Martes sa lungsod at mga kalapit na bayan upang matiyak na makatatanggap ng mainit na pagkain at agarang tulong ang mga apektadong residente habang nagpapatuloy ang masamang panahon.

Ang Tingog Party-list ay kinakatawan sa Kamara nina Reps. Yedda K. Romualdez, Andrew Julian K. Romualdez, at Jude A. Acidre.

“Gusto naming maging handa ang bawat pamilya at walang maiwan sa hirap tuwing may masamang panahon,” sabi ni Leyte Rep. Martin Romualdez.

“Gusto naming kumilos agad at maging naroroon kahit bago pa dumating ang bagyo,” dagdag ni Rep. Andrew Romualdez.

Binigyang-diin naman ni Rep. Acidre na ang maagap na paglalagay ng mga relief goods ay napakahalaga sa rehiyong Eastern Visayas na madalas tamaan ng kalamidad, lalo na sa harap ng mga bagong babala sa panahon.

“Ipinwesto na namin ang mga suplay na ito upang matiyak na hindi magugutom ang mga pamilya at upang mapabilis ang paghahatid ng tulong sa oras ng pangangailangan,” ani Acidre.

Magpapadala pa ng karagdagang suplay sa mga susunod na araw ang mga opisina nina Rep. Martin Romualdez at ng Tingog Party-list bilang bahagi ng kanilang tuloy-tuloy na mga operasyon sa kahandaan.