Edd Reyes

Mga komplikasyon sa vital organs nagsisimula sa diabetes

Edd Reyes Nov 19, 2025
249 Views

ISA sa pinakamapanganib na sakit na taglay ng mga Pinoy ang diabetes dahil sa mga komplikasyong idinudulot nito na dahilan ng maagang pagkamatay.

Bagama’t lumabas sa pag-aaral na atake pa rin sa puso, cancer, at stroke ang mga pangunahing dahilan ng pagkamatay ng mga tao sa Pilipinas, nagsisimula pa rin sa pagkakaroon ng diabetes ang dahilan ng pagkakaroon ng kumplikasyon sa puso, utak, kidney, at iba pang vital organs.

Ito ang dahilan kaya’t nanawagan ang Philippine College of Endocrinology, Diabetes and Metabolism (PCEDM) at mga kaalyadong medical societies, pati na rin ng ahensiya ng gobyerno, para sa mas malakas na pagtutulungang magpatupad ng komprehensibong suporta sa mga lugar ng trabaho para sa mga Pinoy na may diabetes.

Marami kasi sa mga may type 2 diabetes ang nakakaranas ng stigma at kakulangan ng suporta sa trabaho kaya’t napakahalaga raw ang mas malawak na kamalayan at inklusibong mga patakaran para paigtingin ang kaalaman tungkol sa ganitong isyu.

Sabi ni Dr. Lora May Tin Hay, pangulo ng PCEDM, nararapat daw na mabigyang-diin na hindi dapat na ituring na baldado na o disabled na ang mga may diabetes at kailangan lang na suportahan sila sa lugar na kanilang pinagtatrabahuhan lalu na’t sa tamang paggamot ay maaari naman silang mabuhay ng normal.

Nito nga lang nakaraang linggo,kasabay ng pagmamarka sa simula ng World Diabetes Day, nagtipon ang mga tagasuporta mula sa iba’t-ibang sektor para sa pagbuo ng Blue Circle na pandaigdigang simbolo ng diabetes sa Rizal Park bilang pagpapakita ng pagkakaisa at pagpapaigting sa kaalaman tungkol sa sakit na ito.

Sabi pa ni Dr. Tin Hay, ang suporta ng mga nakapaligid sa lugar ng trabaho ay maaari raw magdulot ng malaki sa pamamahala ng diabetes at makakatulong para maiwasan ang mga komplikasyon dala nito.

Mga scammers sa social media, dumarami sa panahon ng Kapaskuhan

MAG-INGAT sa bagong raket ng mga scammers na kayang i-hack ang Facebook account ng mapipili nilang maraming friends at followers para mang-akit na lumahok sa platform na nagbibigay umano ng malaking kita na ipadadala sa kanilang Gcash.

Isa sa na-hack ang personal account ng mataas na opisyal ng Southern Metro Manila Press Club (SMMPC) na marami kaagad ang bumati nang mai-post sa kanyang FB account ang pagtanggap umano niya ng pangalawang kita na ipinadala sa Gcash.

May larawan ding kasama ng limpak-limpak na salapi at mahigit P.6 milyon sa Gcash at nagpapasalamat sa isang Mr. Luis na account manager daw ng platform na gumabay at sumuporta sa kanya para kumita ng malaki.

Gamit pa rin ang pangalan ng opisyal ng SMMPC, ibabahagi raw niya sa kanyang mga kaibigan ang paraan upang kumita rin ng malaki ang mga ito.

Sabi ng opisyal ng SMMPC, huwag maniwala sa post na gamit ang kanyang fb account dahil isa itong uri ng pangi-scam na baka patulan ng iba lalu na’t malapit na ang panahon ng Kapaskuhan kung saan talamak ang mga panlilinlang.

Sa puna, komento at suhestiyon, mag-text lang sa 0923-347-8363 o mag-email sa eddreyes2006@yahoo.com