Calendar
Wag tangkilikin mga smuggled goods
MAGANDANG araw sa lahat ng ating mambabasa.
Nawa’y nasa mabuti kayong kalagayan at kalusugan.
Binabati rin natin ang mga kababayan natin sa Japan na sina: Ma. Theresa Yasuki, Aimi Houchii,Patricia Coronel, Chato Coronel, La Dy Pinky, Yoshiko Katsumata, Roana San Jose, Endo Yumi, Lorna Pangan Tadokoro,Hiroki Hayashi, Winger dela Cruz, at si Hiroshi Katsumata.
Ganun din kay Joanne de Guzman at iba pang OFW natin sa Oman at Jess Manuel ng Saudi Arabia.
(Para sa inyong pagbati at opinyon, mag-text sa # +63 9178624484)
***
Kinakabahan na marahil ang mga sangkot sa mga maanomalyang flood control projects.
Ayon kay Pangulong Marcos, “walang Merry Christmas” sa mga suspek dahil matatapos na ang imbestigasyon na isinasagawa kaugnay sa flood control scam.
Matatandaan na sa kanyang huling State-of-the-Nation Address (SONA) noong July 28 sa harapan ng mga senador at kongresista, sinabi PBBM, “Mahiya naman kayo!”
Ito ay pasaring sa mga ganid na mambabatas na nakinabang sa maanomalyang flood control projects.
Pagkatapos ay binuo niya ang“Independent Commission for Infrastructure” o ICI para mag-imbestiga sa mga ghost at substandard flood control projects.
Kaya naman suportado ng mamamayang galit sa mga kalokohan, ang pahayag ni Pangulong Marcos.
Ang gusto ng taumbayan ay mapanagot ang lahat ng mga sangkot na kontratista at government officials.
Sa totoo lang, nagkakaisa ang mamamayan, kasama na ang mga ordinaryong tao, sa ginagawang imbestigasyon sa mga maanomalyang proyekto ng DPWH.
Banat pa, Pangulong Marcos!
***
Parang mahirap talagang matigil ang ismagling sa bansa.
Oo nga’t madaling i-address ang technical smuggling dahil mahirap nang lumusot ang mga kontrabando sa lahat ng ports of entry sa bansa.
Ang problema ay ang outright smuggling. Sa dami kasi ng ating isla na puwedeng pagbabaan ng mga puslit na produkto, kulang na kulang ang mga barko at patrol boats ng Philippine Navy, Philippine National Police at Philippine Coast Guard na siyang katuwang ng Bureau of Customs para habulin ang mga kontrabando.
Hindi naman kayang bantayan ang mga islang ito ng 24 oras dahil may iba pang trabaho ang nasabing mga ahensiya.
Kaya makalulusot talaga ang ibang kontrabando.
Dapat tumulong din ang taumbayan, lalo na ang consumers, para matigil ang ismagling bansa.
Huwag nating bilhin o tangkilikin ang mga produktong alam natin na hindi ipinagbayad ng buwis at taripa.
Dapat matigil na ang iligal na pagpasok ng mga produkto sa bansa, lalo na ang agricultural products at illegal drugs.
Tama ba kami, Customs Commissioner Ariel S. Nepomuceno?

