Takip

Maynila ipinatupad na Anti-Balaclava Ordinance

280 Views

INANUNSIYO ng lokal na pamahalaan na ipinatutupad na ang Manila Anti-Balaclava Ordinance, na layong mas mapalakas ang seguridad sa Maynila.

Sa ilalim ng ordinansang ito, ipinagbabawal ang pagsusuot ng balaclava, face mask (maliban kung pangkalusugan), hoodies na nakatakip ang mukha, at anumang headgear na nagtatago ng pagkakilanlan sa loob ng commercial at government buildings, at kapag nakababa o naka-standby sa motorsiklo.
Itinakda din nito ang mga parusa at multa sa paglabag sa ordinansa. Ang first offense ay may multang P1,000 at P3,000 para sa ikalawang offense.

Kapag lumabag ng ikatlo o higit pang beses, may multang P5,000, maaaring makulong ng 15 araw at posibleng irekomenda para sa revocation ng driver’s license sa Land Transportation Office.

Ayon sa Section 4 ng ordinansa, bawal magsuot ng helmet, mask, balaclava o anumang face-covering kapag papasok o nasa loob ng mga commercial, government o pampublikong establisimyento.

Bawal din ang pagsusuot nito kapag bumaba ang rider o angkas sa loob ng 3 metro mula sa motorsiklo para sa kahit anong dahilan, tulad ng pag-aayos ng motor at pagbili sa tindahan o palengke.

Hindi rin dapat nagsusuot nito kapag bumaba mula sa motor at nakahinto, naghihintay o naka-standby sa pampublikong lugar tulad ng kalsada, eskinita, sidewalk, easements, shoulders, parks, parking lots, market areas at iba pa.

Nakasaad din sa ordinansa na bawal ang pagtangging tanggalin ang headgear kapag inatasan ng mga opisyal ng batas o barangay, mga security guard o iba pang opisyal ng gobyerno.

Ipinagbabawal din ang pagsusuot sa mga iba pang katulad na sitwasyon kung saan ang pagkakakilanlan ng rider ng motorsiklo ay dapat malinawan o mapatunayan.

Samantala, may mga exemption na inilaan ang Maynila. Isa rito ang mga panahon ng public health emergencies kung saan inirerekomenda o ipinag-uutos ng Department of Health o IATF ang pagsusuot ng face mask.

Hindi rin saklaw ng ordinansa ang riders in motion o mga drayber o pasahero na nakasakay pa rin sa motor at pansamantalang huminto dahil sa traffic lights, road signs o pinara ng traffic enforcers.

Exempted ang mga law enforcer na nasa opisyal na tungkulin, lalo na sa emergency o hot pursuit operations.

Hindi rin kasali ang mga may malubhang karamdaman o comorbidities na kinakailangang magsuot ng face mask.

Hindi rin saklaw ang mga may religious exemptions, kabilang ang mga gumagamit ng turbans o anumang headgear na bahagi ng kanilang pananampalataya.