Calendar
Sinisiyasat ng police investigator ang katawan ng biktima na nahati matapos ma-sideswipe, magulungan at makaladkad ng tractor head sa Osmeña Highway, Sta. Ana, Manila.
MAGKA-ANGKAS SA MOTORSIKLO NA-SIDESWIPE NG TRUCK; RIDER KRITIKAL, ANGKAS NAHATI KATAWAN, PATAY
PATAY ang angkas ng motorsiklo habang kasalukuyang inoobserbahan sa pagamutan ang rider, matapos ma-sideswipe ng isang tractor head sa may Osmeña Highway corner Pablo Ocampo Street, Sta. Ana, Manila, madaling araw ng Sabado.
Nakilala ang namatay na 27-anyos na biktima na si alyas “Al.” Siya’y tubong Bicol, binata, factory worker at huling nanirahan sa Peñafrancia Street, Paco, Manila.
Inoobserbahan naman sa ospital ang 31-anyos na rider ng motorsiklo na si alyas “Archie” na may asawa. Siya’y tubong Calauag, Quezon, at line leader sa isang kompanya. Residente siya ng Barangay Bangkal, Makati City.
Ang 42-anyos na drayber ng tractor head na tubong Cagayan Valley ay may asawa at residente ng Brgy. Manungal, Quezon City. Nasa kustodiya siya ng Manila Traffic Enforcement Group (MTEG).
Ayon sa natanggap na inisyal na report ni PCapt. Dennis Turla, chief investigator ng MTEG ng Manila Police District, mula sa imbestigador na si PSSg. Jerome Perez, lumalabas na bago ang insidente, ang tractor head at ang motorsiklo ay parehong bumibiyahe sa kahabaan ng Osmeña Highway, Sta. Ana, bandang 12:45 ng madaling araw.
Nang makarating sa kanto ng Pablo Ocampo Street, ang kaliwang bahagi sa likuran ng truck ay tumama sa kanang bahagi ng motorsiklo.
Dahil dito, nahulog ang rider at ang kanyang angkas sa semento.
Nagtamo ang rider ng physical injuries, habang ang kanyang angkas ay nasagasaan pa ng kaliwang likurang gulong ng truck at nakaladkad ng ilang metro na nagresulta sa paghihiwalay ng kanyang katawan at agarang kamatayan.
Ang nasugatang rider ay dinala ng Manila Disaster Risk Reduction and Management Office ambulance sa Jose Reyes Memorial Medical Center.
Ang kanyang angkas ay nasa pangangalaga na ng isang funeral home para sa pagsusuri sa autopsy.
Inihahanda ang naaangkop na kaso laban sa drayber ng truck at rider bago iharap ang pareho sa Office of the City Prosecutor para sa inquest proceedings.

