Suspek

Tambay, kalaboso sa panunutok ng baril sa nag-maritess daw na e-bike driver

Edd Reyes Nov 29, 2025
416 Views

TINUTUKAN ng baril ng 30-anyos na tambay ang e-bike driver matapos pagbintangang nagpakalat ng chismis na sangkot siya sa pagnanakaw Sabado ng madaling araw sa Paranaque City.

Naaresto kaagad ng mga tauhan ni P/Col. Nicolas Pinon, hepe ng Paranaque Police Station, ang suspek na si alyas “Dabi” residente ng Brgy. Tambo matapos makatakbo at makahingi ng tulong ang biktimang si alyas Marmiek, 34, sa Tambo Police Sub-Station.

Sa nakarating na ulat kay Southern Police District (SPD) Acting District Director P/BGen. Randy Arceo, alas-12:39 ng madaling araw nang harangin ni alyas Dabi si Marmike habang nagmamaneho ng e-bike sa south bound lane ng Macapagal Boulevard para komprontahin hinggil sa nabalitaan niyang pagpapakalat umano ng biktima na sangkot siya sa mga nagaganap na nakawan.

Nakipag-argumento ang biktima na humantong sa kanilang mainitang pagtatalo hanggang bumunot ng baril ang suspek at itinutok sa e-bike driver na sa takot ay napatakbo hanggang makahingi ng tulong sa pulisya.

Nakumpiska ng pulisya sa suspek ang hindi lisensiyadong kalibre .38 revolver na kargado ng isang bala.