Rape

Wanted sa panghahalay sa paslit nadakip sa Valenzuela

Edd Reyes Nov 29, 2025
206 Views

SINALAKAY ng pulisya ang isang compound na pinagtaguan ng kelot na akusado sa panghahalay sa paslit, Biyernes ng hapon sa Valenzuela City.

Isinagawa ang pagsalakay ng mga tauhan ng Warrant and Subpoena Section ng Valenzuela Police Station sa bisa ng dalang arrest warrant laban sa 39-anyos na akusado, dakong alas-4:40 ng hapon sa isang compound sa Fernando Street, Barangay Malanday.

Maayos namang naisilbi ng pulisya ang inilabas na arrest warrant ni Valenzuela City Family Court Presiding Judge Mateo B. Altarejos ng Branch 16 sa akusado sa kasong statutory rape in relation to Section 5(b) ng Republic Act No. 7610, o ang Special Protection of Children Against Child Abuse, Exploitation and Discrimination Act.

Pansamantalang nakapiit sa Valenzuela Police Station-Custodial Facility ang akusado habang hinihintay ang utos ng hukuman para sa paglilipat sa kanya sa Valenzuela City Jail.