Fire

Sunog sumiklab sa QC; babae, pusa patay

565 Views

NASAWI ang isang babae pati na ang kanyang 14 na alagang pusa sa isang sunog na sumiklab sa isang residential area sa Quezon City nitong Sabado ng madaling araw.

Ang labi ng 29-anyos na biktima ay natagpuan malapit sa pinto ng kaniyang inuupahang apartment sa kanto ng Kamias Road at Col. Salgado Street sa Barangay West Kamias.

Ayon sa mga arson investigator, nagsimula ang sunog bandang 3:40 ng madaling araw at umabot sa ikalawang alarma.

Sinabi ng pulisya na mag-isa lamang ang biktima sa loob ng apartment nang magsimula ang sunog. Sinubukan siyang iligtas ng kaniyang mga kamag-anak mula sa katabing mga unit, ngunit tuluyan nang nilamon ng apoy at makapal na usok ang bahay.

Tinupok ng apoy ang limang apartment unit at isa pang bahay, walong pamilya ang nawalan ng tirahan.

Narekober ng mga bumbero ang bangkay ng biktima matapos tuluyang maapula ang apoy bandang 5:06 ng umaga.

Ayon sa ulat, 14 na alagang pusa ng biktima ang namatay sa sunog, habang ilan sa kaniyang mga aso ang nakaligtas.