Paint

Salaulang rallyista kinaiinisan ni Yorme Isko

Edd Reyes Dec 1, 2025
413 Views

DISMAYADO si Manila Mayor Isko Moreno Domagoso sa kasalaulaan ng ilan sa mga lumahok sa rally sa Manila noong Linggo dahil sa mga graffiti at vandalism na ginawa ng mga ito sa ilang lugar.

Pinuna ng alkalde ang mga isinulat sa pader at center island sa Padre Burgos St. gamit ang pintura para manawagan sa pagbibitiw sa puwesto nina Pangulong Ferdinand Marcos, Jr. at Vice President Sara Duterte.

Ayon sa alkalde, paulit-ulit niyang sinasabi na suportado niya ang kalayaan sa pagpapahayag subalit hindi ang vandalismo at pambababoy.

“Sa halip na maidagdag natin sa pagbibigay ng serbisyo sa mamamayan ang salapi, napupunta pa ito sa pagpipinturang muli,” sabi ng alkalde.

Kumilos na ang mga tauhan ni City Engineer Arman Andres at nag-repaint sa mga pader at center island na sinalaula ng mga rallyista.

Kumilos din ang Department of Public Service (DPS) para sa magdamagang paglilinis ng mga naiwang basura sa lansangan ng mga rallyista.