Tuklaw

Execs, magulang sa QC bgy: Grade 5 nangisay matapos mag-‘tuklaw’

258 Views

NABABAHALA ang mga magulang maging ang mga opisyal ng isang barangay sa Quezon City matapos mangisay ang isang Grade 5 student na pinahithit umano ng “tuklaw.”

Sa isang panayam kay Kapitan Kiko Del Mundo ng Barangay Tatalon, hindi lang umano isang bata ang pinahitit ng tuklaw kundi may lima pang mga kaklase nito.

Nangisay saka nawalan ng malay ang isang Grade 5 student matapos pahithitin ng tuklaw sa isang paaralan sa Brgy. Tatalon sa Quezon City.

Tukoy na umano ng barangay ang mga kalalakihan na nagpapakalat ng tuklaw at ang target na suplayan ay ang mga menor de-edad o mga kabataan sa paaralan.

“They are adult pero ang target nila mga bata,” ayon kay Del Mundo.

Hindi umano tatantanan ni Del Mundo ang mga supplier ng tuklaw hanggang sa madakip ang mga ito.

Una nang nagbabala ang Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) at ang Dangerous Drugs Board (DDB) sa publiko na huwag tangkilikin ang sigarilyong tinatawag na “Thuoc Lao,” na mas kilala sa lokal na tawag na tuklaw.

Ayon sa PDEA, ang tuklaw ay may taglay na nicotine at synthetic cannabinoid, isang kemikal na ginaya ang epekto ng marijuana ngunit mas malakas at mas delikado.

Maaari umanong makaranas ng psychotic episodes at hallucinations ang mga taong gumagamit ng tuklaw.

Ilan sa mga kabataang gumamit nito ang nakaranas ng sintomas tulad ng panandaliang pagkisay at pag-igtad ng katawan.