Gayahin natin si Bonifacio–Mayor Isko sa mga Pinoy

Edd Reyes Nov 30, 2025
255 Views

NANAWAGAN si Manila Mayor Isko Moreno Domagoso sa mga Pilipino na magpakita ng pag-ibig sa bansa tulad ng ipinamalas ni Andres Bonifacio.

“Kaya ‘wag sana nating limutin, hindi lang sa loob ng silid-aralan, hindi lamang sa mga asignatura ng ating eskwela, kundi bilang mamamayan din na ‘We the people today’—tayo na mga tao ngayon—ay utang natin sa kanila ang ating tinatamasang kalayaan sa ngayon,” sabi ng alkalde sa paggunita ng Bonifacio Day noong Linggo

Ginunita rin ni Yorme kung paano ginamit ng mga lider ng Katipunan, hindi lang ang katalinuhan, kundi husay at galing upang gisingin ang pagiging makabayan.

Dugtong pa niya, ang mga hamon na kinaharap ni Bonifacip gaya ng pang-aabuso, kawalan ng hustisya, at inaasam na kalayaan ay nananatili pa rin ngayon sa iba nga lamang kaparaanan.

“Huwag kayong mawawalan ng pag-asa, malungkot ang ating sitwasyon bilang bansa sa hinaharap na insidente sa mga nagdaang buwan,” sabi ng alkalde.