Calendar
Tsinong kinidnap nasagip, 5 dayuhang suspek huli dahil sa PNP hotline
NADAKIP ng pulisya ang limang dayuhan na dumukot sa 26-anyos na Chinese national para hingan ng P1 milyong ransom, matapos salakayin ang tinutuluyan nilang condominium, araw ng Sabado sa Parañaque City.
Kaagad umaksiyon ang mga tauhan ng Parañaque police nang mai-post sa opisyal na Facebook page ng Philippine National Police (PNP) Hotline ang ginawang pagdukot at pagkulong sa biktima ng mga dayuhang kidnaper sa Marina Seaview Residence sa Barangay Don Galo.
Sa ulat na nakarating kay National Capital Region Police Office (NCRPO) Director P/Major General Anthony Aberin, inabutan ng raiding team sa inuupahang unit ang biktima, kasama ang mga dumukot sa kanya, na ang edad ay nasa pagitan ng 25 hanggang 31 taong gulang, habang 39-anyos naman ang kasama nilang babae.
Isiniwalat ng biktima na dinukot at ikinulong siya ng mga suspek noon pang Disyembre 9, 2025, at hindi siya pinawalan kahit nakapagbigay na siya ng P500,000, na kalahati ng hinihinging P1 milyong piso para sa kanyang kalayaan.
“This incident highlights how crucial prompt information is in preventing crimes from escalating. Once the report reached our units, our officers acted immediately, verified the situation on the ground, and ensured the safe recovery of the victim,” pahayag ni Aberin.
“The NCRPO will continue to protect everyone in Metro Manila ― Filipinos and foreign nationals alike ― and will take firm action against those who exploit or harm others,” dagdag niya.
Pinuri rin niya ang Southern Police District na pinamumunuan ni Brigadier Gen. Randy Y. Arceo at ang Parañaque City Police Station sa ilalim ni Colonel Nicolas S. Piñon para sa kanilang mabilis na tugon laban sa kidnapping.
Ang mga naarestong suspek ay nahaharap sa kasong kidnapping for ransom with serious illegal detention. Nina EDD REYES & ALFRED DALIZON

