Kelot

Kelot kulong sa pagsaksak, pagtepok sa ex-gf

Edd Reyes Dec 14, 2025
292 Views

NAARESTO ng mga pulis ang 24-anyos na lalaking sinasabing nanaksak at nakapatay sa dati niyang kasintahan sa labas ng fast food chain noong Linggo sa Makati City.

Nahuli ang suspek nang makipagtulungan ang testigong nakakakilala sa suspek na si alyas Franz at sinabi kung saan siya nakatira.

Nagresulta sa pagkakadakip kay alyas Franz dakong alas-8:50 ng umaga habang sakay ng kanyang motorsiklo sa Rizal Avenue, Brgy. San Antonio, Angono, Rizal.

Nauna rito, hindi na umabot ng buhay sa ospital ang biktimang si alyas Daniella sanhi ng mga tinamong saksak sa iba’t-ibang bahagi ng katawan.

Sa ulat ni Makati police chief P/Col. Pedro Alagano Jr. kay Southern Police District (SPD) acting director P/BGen. Randy Arceo, nakita ng mga saksi ang mainitang pagtatalo ng dating magkasintahan sa labas ng establisimyento sa Adelina St. Brgy. Singkamas dakong alas-4:40 ng umaga.

Pinuri ni BGen. Arceo ang maagap na aksyon ng mga pulis kaya nasukol ang suspek na ngayo’y nahaharap sa kasong murder sa Makati City Prosecutors Office.