Namaril

Kelot arestado sa pamamaril nitong Pasko

319 Views

KALABOSO ang isang lalaki matapos umanong mamaril sa gitna ng Christmas celebration sa Barangay Payatas, Quezon City, madaling-araw ng Disyembre 25.

Ayon sa Quezon City Police District, nagsimula ang gulo nang suntukin ng 47-anyos na suspek ang isang lalaki habang may kasiyahan sa harap ng isang motorcycle shop sa IBP Road.

Tumakbo ang biktima para makatakas, ngunit nadamay ang isa pang residente na tinamaan ng bala sa ulo at braso. Isinugod ito sa ospital.

Mabilis na rumesponde ang pulisya at naaresto ang suspek makalipas ang isang oras sa loob ng kanyang sariling tindahan. Nasamsam sa kanya ang isang .45 caliber baril, mga bala, at basyo.

Sa gitna ng pag-aresto, apat na katao – kabilang ang isang menor de-edad – ang umano’y humarang at nagwala laban sa mga pulis kaya nadakip din.

Mahaharap ang suspek sa kasong frustrated murder, habang obstruction of justice ang kinakaharap ng apat.