Patay PNA file photo

Obrero nakitang patay, lumulutang sa Tullahan River

261 Views

PATAY na nang matagpuan ang 45-anyos na construction worker na palutang-lutang sa Tullahan River sa Novaliches, Quezon City, hapon ng Linggo.

Kinilala ang biktima sa alyas na “Renjie” na residente ng Barangay Gulod sa Novaliches.

Ayon sa ulat ng Quezon City Police District (QCPD), bandang ala-1 ng hapon noong Enero 4 nang madiskubre ang bangkay ng biktima sa ilog malapit sa Placida Street, Kaliwa, Brgy. Gulod.

Base sa imbestigasyon ni P/MSg. Rainier Robert Abundo, huling nakitang buhay ang biktima bandang alas-11 ng gabi noong Sabado. Lasing umano ito at umiihi sa likod ng kanilang bahay na malapit sa ilog.

Ilang sandali pa, napansin ng kanyang asawa na nawawala na ang mister kaya agad niya itong hinanap, subalit nabigo siyang matagpuan.

Kinabukasan, isang residente na kinilalang si alyas “Angelica” ang nakakita sa bangkay ng biktima na palutang-lutang sa Tullahan River at agad itong ipinaalam sa pulisya.

Nang maiahon ang katawan, positibo itong kinilala ng asawa ng biktima.

Hinala ng pulisya na dahil sa matinding kalasingan, posible umanong nadulas at nahulog sa ilog ang biktima habang umiihi sa likod ng kanilang bahay.