Arlene Sta. Rosa City Mayor Arlene Arcillas

Mayor, mga tauhan binantaang papatayin sa FB post

Gil Aman Jan 6, 2026
188 Views

PAPATAYIN ko si Arlene at Arnold Arcillas humanda kayo bobombahin ko din ang city hall madami kayong mamamatay at hohostagin ko kayong lahat!! Arlene Arcillas isa kang xxxx papatayin kita may gunman nang nakaabang sa opisina mo pati mga tauhan mo papatayin ko xxxxxx xxx mo ka.”

Ito ang nakasaad sa ipinadalang mensahe na napatala sa Facebook page ng Sta. Rosa, Laguna (Official Forum) noong hapon ng Lunes.

Ayon sa ulat ng pulisya ng Sta. Rosa, mula sa isang alyas “Dan Sabs” ang mensahe ng pagbabanta na pasasabugin ang city hall.

Matapos matanggap ang mensahe, mabilis na umaksiyon ang pulisya, pati na rin ang Provincial Explosive Ordnance Disposal and Canine Unit na pinamumunuan ng team leader nitong si Police Lt. Joey S. Canson.

Si Canson at apat pang kasamahan nito ay nagsagawa ng paneling operation sa tanggapan ng alkalde at mga karatig na opisina.

Matapos ang masusing pag-iimbestiga, sinabi ni Canson na negative naman ang resulta at walang anumang explosive o hazardous devices ang nakita.

Samantala, agad namang ipinag-utos ni Sta. Rosa Mayor Arlene Arcillas ang mahigpit na seguridad upang maiwasan ang anumang pagbabanta sa palibot ng Sta. Rosa City Hall.