Calendar
LTO iniutos imbestigasyon sa reklamo ng blogger
INIUTOS ng Land Transportation Office (LTO) ang pagsasagawa ng masinsinan at patas na imbestigasyon kaugnay ng reklamong inihain ng transport blogger at writer na si James Deakin laban sa ilang tauhan ng ahensya.
Ayon sa LTO, ipinag-utos ni LTO Chief Assistant Secretary Markus V. Lacanilao ang agarang pagsisiyasat at ang pansamantalang suspensyon ng mga personnel na umano’y sangkot, habang isinasagawa ang imbestigasyon. Kaugnay ito ng alegasyon sa pagproseso ng nakumpiskang driver’s license ng anak ni Deakin.
Batay sa inilabas na impormasyon ng ahensya, nagmula ang insidente sa isang paglabag sa batas-trapiko sa Skyway Stage 3 sa Quezon City noong Disyembre 18, 2025.
Sinabi ni Lacanilao na humiling ang LTO ng kopya ng CCTV footage mula sa Skyway operator upang matukoy kung ang ginawang panghuhuli ng deputized law enforcement officer ay naging makatuwiran at alinsunod sa umiiral na mga patakaran. Aniya, bahagi ito ng proseso ng pagkuha ng mga kaukulang detalye sa kaso.
Tiniyak ni Lacanilao na hindi binabalewala ng LTO ang mga alegasyong inilahad sa reklamo.
“Naninindigan ang LTO sa integridad, pananagutan, at patuloy na repormang institusyonal. Binibigyang-diin din namin na bukas at handang makinig ang tanggapan ng LTO Chief sa lahat ng mamamayan, mula sa iba’t ibang antas ng lipunan, at nananatiling madaling lapitan ng mga nangangailangan ng tulong, paglilinaw, o nararapat na remedyo sa pamamagitan ng wasto at naaayon sa batas na mga proseso,” ayon kay Lacanilao.
Dagdag pa niya, “Mahalaga ang puna at opinyon ng publiko sa pagtukoy ng mga bahagi ng aming mga proseso na maaaring higit pang pagbutihin upang mas mahusay na mapagsilbihan ang sambayanang motorista.”
Binigyang-diin ng LTO na kung mapatutunayang may paglabag sa umiiral na mga patakaran, ipatutupad ang mga nararapat na hakbang pandisiplina at pagwawasto alinsunod sa batas.

