Truck

Driver ng trailer truck na pinaharurot dambuhalang sasakyan sa makitid na kalye, isinuko ng employer kay Mayor Wes

Edd Reyes Jan 17, 2026
198 Views

Truck1

ISINUKO ng may-ari ng trucking company sa pulisya ang kanilang driver na nag-viral sa social media habang pinahaharurot ang minamanehong 10-wheeler trailer truck sa maliit na kalsada sa Valenzuela City.

Nangyari ang insidente noong Huwebes ng gabi, Enero 15, sa Sapang Bakaw St. Lawang Bato na naglagay sa panganib sa buhay ng mga pedestrians at tatlong motocycle riders na muntik ng masagi, dahilan upang ipahanap siya ni Mayor Wes Gatchalian kay P/ Col. Joseph Talento, ang hepe ng Valenzuela police.

Katuwiran ng driver na si alyas “Nelson”, 41, kay Mayor Gatchalian na nais umano niyang makauwi agad dahil may sakit ang kanyang asawa, na hindi tinanggap ng alkalde dahil inilagay naman niya sa panganib ang buhay ng mga indibiduwal sa dinaanang makitid na kalye.

Sinabi ni Mayor Wes na nakipag-ugnayan na sila sa Land Transportation Office (LTO) na kaagad naglabas ng Show Cause Order para isuko ng driver ang kanyang lisensiya matapos patawan ng 90-araw na suspensiyon, habang inilagay na rin sa alarm status ang trailer truck.

Iniutos din ng alkalde ang pansamantalang pagsasara at suspensiyon ng operasyon ng Royal King Trucking Services Inc. na employer ng driver matapos kumpirmahin ng Bureau of Permit and Licensing Office (BPLO) na walang business permit ang kompanya.

Hinimok din ni Mayor Wes ang tatlong rider na magsampa ng kaso laban sa driver at bahala aniya ang lokal na pamahalaan na sagutin ang legal na tulong habang inalok naman ang kompanya na isailalim ang lahat ng kanilang empleyado ng drug testing na sasagutin din ng pamahalaang lungsod.

Agad na nag-isyu ang LTO sa kautusan ni LTO Chief, Assistant Secretary Markus V. Lacanilao ng Show Cause Order ukol sa naabing insidente na kumalat bilang viral video sa Facebook Page na “Visor” noong Enero 16, 2026.

Ang nasabing video ay nagpapakita sa trailer truck na mabilis at walang pag-iingat na tumatakbo sa kahabaan ng isang makipot na residential road sa may Sapang Bato, Valenzuela City. Ang trak ay pagewang-gewang na bumibyahe sa makitid na daan at muntikan pang makabangga ng mga motoristang nakakasabay o nakakasalubong na nagdulot ng matinding panganib sa mga taong naglalakad at ibang mga motorista na dumadaan sa nasabing kalsada.

Batay sa SCO, ang rehistradong may-ari ng truck at driver nito ay kailangan pumunta sa opisina ng Intelligence and Investigation Divison (IID) upang magsumite ng kanilamg verified statement at ipaliwanag bakit hindi sila dapat patawan ng reckless driving at jmproper person to operate a motor vehicle

Ang lisensya ng driver ay suspendido ng 90 araw at ang truck ay pansamantalang ilalagay sa alarm status habang patulpy ang imbestigasyon.

Kung hindi sila makakarating sa pagdinig, ito ay ituturing ina pagbabalewala sa kanilang karapatan na marinig, at ipapasiya ang kaso batay sa mga ebidensyang hawak ng ahensya.

Mariing sinabi ni Asec Lacanilao: “Ang kaligtasan ng lahat sa ating mga kalsada ay hindi po biro. Hindi tayo papayag na hayaang magdulot ng panganib ang sinumang sasakyan sa mga inosenteng mamamayan. Ang insidenteng ito ay patunay na kailangan pa rin nating pag-igtingin ang pagpapatupad ng mga batas trapiko. Hinihikayat ko ang lahat ng mga may-ari ng sasakyan at mga driver na laging maging responsable at sundin ang mga batas trapiko.