Cargo

Dahil walang biz permit, cargo firm sarado

Edd Reyes Jan 16, 2026
178 Views

IPINASARA ng Malabon ang Tala Cargo Solution bunga ng pagkabigong makakauha ng kinakailangang ng business permit at kaukulang regulasyon noong Biyernes sa Brgy. Maysilo.

Matatandaan na sa naturan ding container yard nadiskubre ng Philippine National Police (PNP) Highway Patrol Group (HPG) ang tinatayang P1.5 bilyong halaga ng imported na sigarilyo na ipinuslit papasok ng bansa noong Disyembre 31, 2025.

Nag-inspeksiyon ang Bureau of Permit and Licensing Office (BPLO) ng Malabon City noong Enero 2 at 5, 2026 kaya padalhan ang kompanya ng notice of violation na nag-aatas na magsumite sa loob ng tatlong araw ng kaukulang permiso, kabilang ang certifications at authorizations kaugnay sa kanilang operasyon.

Sa kabila ng pagbibigay ng palugit ng hanggang Enero 13, 2026, bigo ang kompanyang tumugon sa pagsusumite ng kinakailangang dokumento na nagresulta upang tuluyang ipasara ng BPLO ang pasilidad at hindi sila makakapagbukas hangga’t hindi natutugunan ang mga kinakailangang dokumento.

“Tayo po sa Malabon ay sinisiguro na ang lahat ng batas at ordinansa ay mahigpit na ipinapatupad.

Ginagawa po natin ang nararapat mula sa panig ng lokal na pamahalaan, alinsunod sa legal at wastong mga proseso sabi ni Mayor Jeannie Sandoval.

Nauna ng ipinaliwanag ng Malabon na bagama’t ang negosyo ng Tala Cargo Solution ay rehistrado bilang container yard, limitado lamang ang ito sa permitting at licensing at hindi sakop ang laman ng mga cargo containers, kabilang ang importasyon.