Calendar
Lolo nireklamo ng gahasa, sinaksak ina ng biktima, hinostage sarili
SINAKSAK ng 67-anyos na lolo ang babaeng kapitbahay nang ireklamo siya sa barangay kaugnay sa umano’y kahalayang ginawa sa menor de-edad na anak ng biktima, Biyernes ng hapon sa Muntinlupa City.
Inabutan pa ng mga tauhan ni Muntinlupa Police Chief PCol. Robert Domingo sa Southville sa Barangay Poblacion ang biyudong lolo na si alyas “Rodolfo,” habang hawak ang bolo at patalim na ginamit sa pananaksak sa 39-anyos na kapitbahay na si alyas “Edan,” na kaagad nalapatan ng lunas sa pinagdalhang ospital dakong alas-2:02 ng hapon.
Sa halip namang sumuko, ginawang hostage ng matanda ang sarili at nagbantang sasaksakin ang sarili kapag lumapit sa kanya ang mga pulis.
Napag-alaman na matapos ireklamo ni alyas Edan ang biyudo sa barangay, kapuwa sila ipinatawag na nagtapos naman sa maayos na pag-uusap.
Gayunman, nang makauwi na ang dalawa, dito na sinaksak ng matanda sa tiyan ang kapitbahay gamit ang kutsilyo.
Ayon kay Domingo, inabot din ng isang oras ang ginawa niyang pakikipagnegosasyon sa suspek hanggang mapahinuhod na isuko ang sarili.
Nagtamo rin ang suspek ng sugat sa kanang hita at kaliwang kamay bunga ng panghahalihaw ng hawak na itak at kutsilyo.

