License

LTO sinuspinde lisensiya ng nag-video call habang nagmamaneho

262 Views

SINUSPINDE ng 90 araw ng Land Transportation Office (LTO) ang lisensiya ng isang motorcycle rider matapos kumalat ang viral video kung saan makikitang gumagamit umano ito ng cellphone at nakikipag-video call habang nagmamaneho sa pampublikong kalsada.

Sa ilalim ng pamumuno ng hepe ng LTO na si Assistant Secretary Markus V. Lacanilao, inisyuhan ng show cause order (SCO) ng LTO ang rehistradong may-ari at ang drayber ng isang Yamaha NMAX na sangkot sa insidente.

Batay sa SCO, inatasan ang drayber at may-ari ng motorsiklo na humarap sa pagdinig ng Intelligence and Investigation Division ng LTO noong Enero 16 ng alas-10 ng umaga sa tanggapan ng ahensiya sa East Avenue, Quezon City.

Ito’y upang magpaliwanag sila kung bakit hindi dapat parusahan ang drayber sa mga paglabag na reckless driving, distracted driving at improper person to operate a motor vehicle.

Habang nagpapatuloy ang imbestigasyon, sinuspinde ng LTO ang lisensiya ng drayber ng 90 araw at inilagay sa alarm status ang motorsiklo.

Ayon kay Lacanilao, hindi maaaring ipagsawalang-bahala ang ganitong uri ng pagmamaneho dahil sa panganib na dulot nito sa publiko.

“Sa ating mga kababayan, hindi po tayo puwede magbulag-bulagan sa mga ganitong uri ng pagmamaneho. Ang paggamit ng cellphone habang nagbabyahe – lalo na kung naka-video call pa – ay lubhang mapanganib hindi lang para sa driver kundi para sa lahat ng gumagamit ng kalsada at labag sa batas. Hindi po ito biro, maaari itong magdulot ng malubhang aksidente na maaaring ikawalan ng buhay,” aniya.

Dagdag pa niya na ang SCO ay ibinigay upang mabigyan ng pagkakataon ang rider na ipaliwanag ang kanyang panig, kasabay ng agarang suspensiyon ng lisensiya upang ipakita ang bigat ng paglabag.

“Kaya naman po, inisyuhan natin ng Show Cause Order ang nasabing driver para bigyan siya ng pagkakataong ipaliwanag ang kanyang ginawa. Kasabay nito, sinuspende na rin natin ang kanyang lisensiya ng 90 araw para ipakita na seryoso tayo sa pagpapanatili ng kaligtasan sa lahat ng daanan,” ani Lacanilao.

Sinabi ng LTO na patuloy nitong binabantayan ang mga insidenteng may kaugnayan sa distracted driving, lalo na ang mga kasong lumulutang sa social media, bilang bahagi ng kampanya para sa kaligtasan sa kalsada.