Tindera

LALAKING BUMARIL SA BABAENG TINDERA SA TAYTAY, RIZAL NA NA-AKTUHAN MISMO SA LIVE STREAMING NG BIKTIMA, ARESTADO!

491 Views

SA insidenteng naganap noong Enero 16, 2026 ng gabi sa Barangay Sta Ana, Taytay, Rizal, isang 23-anyos na babaeng tindera na nagla-live stream habang siya ay nagtitinda ay malapitang binaril sa ulo ng suspek na naka-face mask at sumbrero.

Kaagad na bumulagta ang biktima at itinakbo ng mga saksi sa pinakamalapit na ospital na nagtamo lamang ng daplis ng bala sa kanyang batok.

Samantala, namataan naman ng ilang saksi na naglakad lamang ng normal ang suspek at sa di kalayuan ay di umano’y sumakay sa isang motorsiklo na naka-abang na sa may secondary road sa Barangay Sta Ana, Taytay, Rizal.

Kaagad na nagkasa ang Taytay MPS follow-up team ng hot pursuit operation.

At noong Enero 17, 2026 ng umaga, kaagad na inaresto ng Taytay PNP ang 31-anyos na suspek sa Angono, Rizal.

Napag-alaman nang pulisya na ang suspek ay dating kinakasama ng may-ari ng tindahan kung saan nagtatrabaho ang biktima.

Ang di pagkakaunawaan ng suspek at kanyang kinakasama na nauwi sa hiwalayan ay di umano’y mula sa mga pagsusumbong ng biktima kaugnay sa mga nakakarelasyon pang iba ng suspek.

Dahil sa hiwalayan, ang nasabing tindahan ay pinamahalaan ng babaeng may-ari na kung saan ang nasabing biktima ay tinuring niyang anak-anakan at isang tindera ng tindahan, na naging sanhi ng inggit ng suspek at naging dahilan ng nasabing krimen.

Sa isang pahayag, inilahad ng Taytay Police Station na nais ipabatid sa publiko na ang suspek ay kasalukuyang nakaditene sa himpilan ng Taytay MPS Custodial Facility at inihahanda ang kasong kanyang kakaharapin na “frustrated murder.”

Mariing pinapabulaanan ng suspek ang nasabing alegasyon at pilit na sinasabing siya ay may mga testigo na makakapagsabi na nasa Angono, Rizal siya noong oras at araw na mismong naganap ang nasabing insidente.

Ang biktima naman ay nasa ligtas nang kondisyon at kasalukuyang nagpapagaling sa Ospital sa Pasig City.

“Muli naming pinapaalalahan ang publiko na kung sakaling maging biktima o makakita ng katulad na insidente, tandaan ang mahahalagang deskripsyon ng pagkakakilanlan ng suspek gaya ng suot nitong damit, taas at pigura ng katawan, maging ang detalye ng get-away vehicle na ginamit nito. At kung tiyak na ang inyong kaligtasan, kaagad humingi ng tulong sa mga awtoridad. Sa mga kahalintulad na kaganapan, maaaring tumawag sa Unified Hotline Number na “911”, dagdag ng pahayag.