Lola Kinilala ni PCapt. Ferdinand Cayabyab ang mga suspek na nambiktima at nambudol sa 83-anyos na lola makaraang bentahan ng dalawang lata ng gatas at pinilit kuhanin ang mga alahas nito sa Sta. Cruz, Manila.

5 arestado sa pagbenta ng gatas, pambubudol sa lola, 83

Jon-jon Reyes Jan 19, 2026
152 Views

Lola1MAGKAKASAMANG inaresto ng mga kapulisan ng Manila Police District Blumentritt Station 3 ang limang indibidwal matapos mambudol ng 83-anyos na lola sa Barangay 350, Sta. Cruz, Manila, hapon ng Martes.

Nahaharap sa kasong estafa through swindling ang mga suspek na nakilalang sina alyas “Gerry Butch,” 50-anyos na tubong Davao at residente ng Sta. Maria, Dasmariñas, Cavite; alyas “James,” 38, tubong Laguna at residente ng St. Peter, Dasmariñas, Cavite; alyas “Rebecca” na 39-anyos, single, tubong Agusan Del Norte at residente ng Luzviminda Dos, Area F, Dasmariñas, Cavite; alyas “Merlyn” na 66-anyos na balo, tubong Pampanga at taga-Carlota De Leon Street, Angeles City, Pampanga; at alyas “Rosita” na 66-anyos na babaeng tubong Agusan Del Norte at residente ng Carlota De Leon Street, Angeles City.

Ayon kay Police Capt. Ferdinand Cayabyab, police community precinct (PCP) commander ng Blumentritt Station 3, bandang alas-2:15 ng hapon nang mahuli ang mga suspek sa MCJ Drive sa harap ng SM San Lazaro Mall sa Felix Huertas Street, Sta. Cruz.

Bago ang pag-aresto, gumagala sa loob ng nasabing mall ang mga suspek nang lapitan ang biktimang senior citizen na balo at residente ng Brgy. 336, Sta. Cruz.

Nag-alok ang isa sa mga suspek ng diumano’y promo ng adult nutritional supplement powdered milk drink na Ensure Gold na mas mababa ang halaga kaysa sa iminungkahing retail price sa merkado.

Sa isang maikling pag-uusap, iginiit ng mga suspek sa biktima na bilhin ang produktong inaalok at kalaunan ay inatasan itong mag-withdraw ng cash sa ATM bilang kanyang paunang bayad.

Pagkatapos nito, pinaunlakan ng mga suspek ang biktima sa labas ng mall sa kahabaan ng MCJ Drive, kung saan nakaparada ang kanilang gamit na sasakyan.

Habang sila ay nasa loob ng sport utility vehicle, nagpakita pa ang mga suspek ng isang bundle ng pera sa biktima bilang patunay sa kanilang nakaraang transaction promo.

Makalipas ang ilang sandali, nang makumbinsing pumayag ang biktima ay ibinigay niya sa suspek ang nagkakahalagang P5,000 kapalit ng dalawang lata ng gatas.

Nang matapos ang kanilang transaksyon sa pamamagitan ng mapanlinlang na pakana ay sinubukan pang kuhanin ang mga alahas ng biktima subalit tumanggi ito sa mga suspek, hanggang sa pinilit ng mga suspek na bumaba ng sasakyan ang biktima habang nagmamadaling pinaharurot ang sasakyan.

Naging alerto naman ang mga security guard kung kaya dito na nakakuha ng atensiyon ng mga nagro-roving na mga security personnel ang insidente.

Agad na isinumbong ng biktima ang ginawang panloloko sa kanya ng mga suspek na nagresulta sa pagkahuli ng mga ito.

Itinawag kaagad ang insidente sa mga kapulisan at mabilis na rumesponde ang mga tauhan ng Blumentritt PCP na sina PSSg. Jeffrey De Guzman at Pat. Paul Aldrin Medina.

Pagkatapos nito, dinala ang mga suspek sa Jose Reyes Medical Hospital.

Sa ginawang pag-aresto, narekober ng mga kapulisan bilang ebidensiya ang dalawang Ensure Gold boxes ng adult supplement powder drink na nagkakahalagang P8,000, tatlong bundle ng pera sa iba-ibang denominasyon, isang kulay violet na lalagyan ng plastic bag, isang Toyota Fortuner na kulay lithium, at ang halagang P5,000 at withdrawal slip.

Ang mga naarestong suspek ay kakasuhan sa harap ng Manila City Prosecutor’s Office para sa inquest proceedings, pagkatapos makumpleto ang mga kaukulang dokumento para sa tamang pagsusuri.

Nagbigay naman ng pahayag si Cayabyab sa mga senior citizen na maging maingat sa pamamasyal sa mga mall at mapanuri bago makipag-usap sa mga hindi kakilalang tao.

Ang mga naarestong suspek at mga nakuhang ebidensiya ay maayos na nai-turn over sa nasabing presinto para sa tamang disposisyon at imbestigasyon.