QCPD

QCPD cops nabawi iPhone na naiwan sa Grab

253 Views

NARECOVER ng mga miyembro ng Quezon City Police District (QCPD) ang iPhone 13 Pro Max na naiwan sa Grab vehicle matapos tumawag sa 911 Hotline ang may-ari ng cellphone noong Linggo.

Ayon sa QCPD, nangyari ang insidente bandang alas-12:11 ng tanghali.

Tinugunan ng District Tactical Operation Center (DTOC) ang tawag at inatasan ang complainant na magbigay ng real-time GPS updates upang matukoy ang kinaroroonan ng sasakyan.

Ginamit ng pulisya ang cellphone GPS tracking at drone surveillance upang masundan ang galaw ng sasakyan mula Quezon Avenue hanggang Project 6 sa EDSA.

Nabawi ang cellphone sa tulong ng Project Aurora na inisyatiba ng Quezon City sa pamumuno ni Mayor Joy Belmonte.

Dahil sa mabilis na koordinasyon ng mga operatiba mula Police Stations 2, 10 at 15, na-intercept ang sasakyan, nabawi ang cellphone at naibalik sa may-ari.

Pinuri ni P/Col. Randy Glenn Silvio, acting director ng QCPD, ang aksyon ng kanyang mga tauhan at binigyang-diin ang kahalagahan ng teknolohiya sa police response.

“Muli nitong pinatutunayan ang aming dedikasyon sa serbisyo at ang kahalagahan ng agarang pagtugon sa bawat tawag para sa kapakanan ng publiko,” sabi ni Silvio.