Isko1

Facundo kay Yorme Isko: Business permits sa Maynila umakyat sa 40%

Edd Reyes Jan 27, 2026
146 Views

INIULAT ni Bureau of Permits Director Levi Facundo kay Mayor Isko Moreno Domagoso ang pagtaas ng 40% na mga nagproseso ng bagong business permit sa Lungsod ng Maynila.

Hanggang nitong Enero 25, 2026, nakapag-proseso ng 384 na bagong business permit ang lungsod na mataas kumpara sa 176 sa kapareho ring buwan noong nakaraang taon kung saan 159 rito ang bayad na sa kabila ng mataas na bilang ng naghain ng aplikasyon.

Bukod dito, nakapag-proseso rin ang lungsod ng 45,162 na renewal ng business permit at 37,484 dito ang bayad na o 82 hanggang 83% ang nakapagbayad.

Sinabi ni Facundo sa alkalde na may 15 araw pa para makumpleto ang pagbabayad na kahalintulad din noong nakaraang taon sa parehong panahon.

Sinabi pa ni Facundo na may karagdagan pang pagtaas ng koleksiyon dahil may mga hindi pa aniya malinaw na bayarin. “Meron pang mga hindi pa po na-clear na mga payment. So there’s more,” pahayag niya.

Sinabi naman ni City Treaurer Atty. Paul Vega na upang mabigyan ng sapat na panahon ang mga hindi pa nakakabayad, pinalawig nila ang renewal ng hanggang Pebrero 13, 2026 ng wala ng interes, penalties, o surcharges na babayaran.