Cojuangco

Cojuangco aprub sa pagbukas ng BNPP vs mataas na singil sa kuryente

Mar Rodriguez Aug 18, 2022
291 Views

SINASANG-AYUNAN ng isang Northern Luzon congressman ang pagbubukas ng kontrobersiyal na Bataan Nuclear Power Plant (BNPP) upang magamit bilang “Nuclear Power Plant” na magbibigay solusyon at lunas kaugnay sa napakataas na singil sa kuryente.

Ipinaliwanag ni Pangasinan 2nd Dist. Cong. Mark O. Cojuangco, Chairman ng House Special Committee on Nuclear Energy, na mas maggiging mababa ang halaga ng kuryente kung magkakaroon ng mga “nuclear power plants” sa iba’t-ibang bahagi ng bansa.

Sinabi ni Cojuangco na mas malinis ang paggamit ng “nuclear energy” dahil wala itong ibinubuga kahit isang kilong “carbon dioxide” sa hangin kaya hindi ito lumilikha ng “air pollution” na mas ligtas kumpara sa kasalukuyang ginagamit ng bansa.

Dahil dito, pinapaboran ng mambabatas ang pagbubukas BNPP para maggamit bilang “nuclear plant” sapagkat nakapanghihinayang lamang na hindi ito maggamit sa harap ng napakamahal na ginastos dito ng dating admininistrasyon ni dating Pangulong Ferdinand Marcos, Sr.

“Napaka-mahal ng ginastos ng dating pamahalaan diyan sa BNPP pero bakit kailangan natin sayangin. Gawa na iyang BNPP ang kailangan na lamang natin gawin ay ang mapakinabangan iyan.

Napakaganda ng pagkakagawa diyan kaya naniniwala ako na iyan ay safe,” sabi ng kongresista.

Ikinalulungkot din nito na ginagamit na napo-politika ang BNPP kaya hindi ito mabuksan-buksan. Subalit kung magiging bukas lamang aniya ang isipan ng publiko sa kahalagahan at pakinabang ng BNPP ay mauunawaan nila na malaking tulong ito para sa napakataas na singil sa kuryente na nagpapahirap sa mamamayan.