Kush

P8.9M kush inabandona sa CMEC, nakupiska

Edd Reyes Feb 3, 2026
151 Views

UMAABOT sa P8.9 milyong Kush ang nasabat matapos iabandona sa Central Mail Exchange Center (CMEC) noong Lunes sa Domestic Road, Pasay City.

Nasamsam ang droga ng mga miyembro ng NAIA Inter-Agency Drug Interdiction Task Group (NAIA-IADITG) at intelligence personnel ng Aviation Security Unit NCR (AVSEU NCR).

Sinabi ni PNP AVSEGROUP Director P/BGen. Dionisio Bartolome Jr. na natuklasan na tinatayang 5,940 na gramo ng pinatuyong marijuana na nakalagay sa 20 pakete at may halagang P8,910,000 ang laman ng abandonadong parcel.

Ipinadala ang mga pakete sa sa Luzon, Visayas, at Mindanao, partikular sa Biñan, Laguna, Cebu, at Davao at natunton na ipinadala ng dayuhan mula sa United States at Thailand.

Nauna ng naghinala ang tauhan ng Bureau of Customs (BOC) sa ilegal na laman ng mga pakete nang dumaan ito sa cargo X-ray screening na dahilan upang gamitin ang K-9 unit ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) na nagbigay ng positibong aksiyon.