Calendar
Ang mga naganap na sunog sa iba’t-ibang lugar sa Maynila noong Biyernes. JONJON C. REYES
Manila binulabog ng 3 sunog
TATLONG sunog ang sumiklab noong Biyernes sa Tondo at Sampaloc, Manila at iniwang abo na lang ang anim na bahay.
Unang sumiklab ang sunog sa isang bahay sa 540 Guidote St., Brgy. 402, Sampaloc, Manila bandang alas-11:38 ng tanghali.
Base sa imbestigasyon, nagmula ang apoy sa ikalawang palapag ng lugar na gawa sa light materials at pag-aari ng isang Gloria Arenas.
Bandang alas-12:17 ng tanghali idineklarang fire under control ni F/SInsp. Cesar Babante ang unang sunog.
Bandang alas-12:43 ng tanghali sumiklab ang ikalawang sunog sa Corcuera corner Juan Luna St., Brgy. 61, Tondo, Maynila.
Ayon kay Nica Joy Valero, nakahiga siya sa kama nang maamoy niya ang parang kandila na nagmumula sa likod ng kanilang bahay.
Nirespondehan ng mga tauhan ng Quiricada fire station sa pangunguna ni F/SInsp. Ronald Lim, FO2 Ronnie Agustin at PSSg Simerick Sedicol ang sunog.
Idineklarang fire out ang insidente bandang ala-1:28 ng hapon. Anim na kabahayan ang nilamon ng apoy at tinatayang P90,000 ang pinsala sa ikalawang sunog.
Ang pangatlong sunog naganap sa Palawan corner Mindanao St., Balic-Balic, Brgy. 580, Sampaloc, Manila bandang alas-10:48 ng gabi.
Bandang alas-11:30 ng gabi naapula ang pangatlong sunog na itinaas sa unang alarma dahil sa masikip ang lugar kaya mabilis kumalat ang apoy.
Ayon kay Punong Barangay Darwin Delos Santos, posibleng nagmula ang sunog sa electrical wiring sa isa sa mga bahay sa lugar. “Ang sabi, nanggaling daw sa catering. Siguro mga electrical] wiring,” dagdag ng opisyal.
Umabot 23 pamilya o 64 katao ang naapektuhan ng sunog, ayon kay Ebenezer Refulgente ng District Social Welfare IV.
Dalawang residente ang nasugatan sa sunog at dinala sa Jose Reyes Memorial Medical Center.
Tinatayang nasa P75,000 ang halaga ng pinsala sa pangatlong sunog.

